Marcos, pahirap sa maralita, inutil sa harap ng pagtaas ng singil ng kuryente

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagsagawa ng kilos protesta noong Hunyo 29 ang Kadamay laban sa napipintong dambuhalang pagtaas ng singil ng Meralco mula Hulyo hanggang Setyembre. Umaabot sa ₱2.31 kada kilowatt hour ang nakatakdang itataas ng singil o ₱0.77/kwh kada buwan sa loob ng tatlong buwan.

Marcos, kuryentehin nang magising! bwelta ng grupo ng maralita.

“Yung mga serbisyo na dapat ipinagkakaloob sa atin ay ginagawang negosyo ng ating pamahalaan,” ayon kay Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng Kadamay. Hindi lamang di nagsisilbi ang rehimen sa mga maralita, kumakawing pa ito sa interes ng naghaharing uri na may hawak ng mga pampublikong serbisyo na ang tanging hangad ay palakihin ang kanilang tubo habang lugmok ang mga Pilipino sa kahirapan.

Idinadahilan ng Meralco na kailangan nitong magtaas ng singil para mabawi ang ₱500 milyong generation costs at pagtaas ng presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) noong Mayo. Ito rin ang buwan kung saan naging madalas ang mga “red” at “yellow” alert na dulot naman ng sabay-sabay na pagkasira ng mga planta sa Luzon at Visayas. Kakumbina diumano ng pagtaas ng demand para sa kuryente sa kasagsagan ng tagtuyot at init na dala ng El Niño, sumirit pataas ang presyo ng kuryente sa pamilihang dominado rin naman ng pinakamalalaking distribyutor nito, kabilang ang Meralco.

Kinatigan ng Energy Regulatory Board ang taas-singil ng Meralco at sinabi lamang na gawin itong “staggered” para magmukhang katanggap-tanggap sa mga konsyumer nito. Mula ₱9.45/kwh noong Hunyo, sisirit tungong ₱11.76/kwh ang singil ng Meralco sa Setyembre.

AB: Marcos, pahirap sa maralita, inutil sa harap ng pagtaas ng singil ng kuryente