Marcos, sinasabotahe ang lokal na produksyon ng sibuyas
Sinasabotahe ng rehimeng Marcos ang lokal na mga magsasaka sa sibuyas sa desisyong nitong mag-import ng 4,000 metriko tonelada ng pula at puting sibuyas sa panahon ng anihan. Idinadahilan ng Department of Agriculture ang matataas na presyo ng sibuyas sa merkado para istabilisa ang suplay at pigilan ang manipulasyon sa presyo para bigyan-katwiran ang maramihang pag-angkat.
“Ang pag-import ng gubyerno ng sibuyas sa gitna mismo ng anihan ay isang sadyang akto ng economic sabotage na magpapababa sa kita ng mga magsasaka, habang nagbebenepisyo sa iilang importer,” ayon kay Danilo “Ka Daning” Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at kandidato pagkasenador ng Makabayan.
Ayon sa KMP, tanging ang mga komesyante at malalaking importer ang makikinabang dito. Sa panig ng mga magsisibuyas, ibaba lamang nito ang presyo ng bilihan ng kanilang ani at palalalain ang kanilang pagkalugi. Ngayon pa lamang, marami sa kanila ang nagmamadaling mag-ani sa takot na babagsak ang presyo ng bilihan oras na bahain ng imported na sibuyas ang pamilihan.
Pinabulaan din ng KMP ang sinasabi ng DA na kulang ang suplay sa bansa. Gamit ng datos ng estado, sinabi nitong naa 8,500 metriko tonelada pa ang suplay ng pulang sibuyas noong kalagitnaan ng Enero, habang nasa 1,628 metriko tonelada naman ang suplay ng puting sibuyas. Noong nakaraang taon, anito, umabot sa 264,323 metriko tonelada ang naani na lokal na sibuyas, pinakamataas mula 2019. Sa gayon, hindi suplay ang usapin sa importasyon.
“(I)pinakita ng DA kung saan nakasalalay ang katapatan nito—hindi sa ating nahihirapang magsasaka kundi sa malalaking mangangalakal at importer na nakikinabang sa mga patakarang ito. Ang pag-angkat ng sibuyas sa panahong ito ay magtutulak sa mga farm gate prices, na mag-iiwan sa ating mga magsasaka sa mas malalim na utang at pagkalugi,” ayon kay Ka Daning.
Paliwanag niya, ang krisis sa sibuyas noong 2022 kung saan sumirit tungong P700 kada kilo ang presyo ay hindi resulta ng kakulangan ng produksyon kung dulot ng manipulasyon ng mga kartel sa presyo at kainutilan ng gubyerno. Pero imbis na resolbahin ang pagtatago ng suplay (hoarding), manipulasyon sa presyo at kawalang suporta sa mga magsasaka, paulit-ulit na sumasandig nag DA sa importasyon, na lalong lumulumpo sa lokal na mga prodyuser.
Siningil din ng mga magsasaka ang pangako ni Ferdinand Marcos noong 2023 na magtatayo ng mga cold storage ang kanyang gubyerno para imbakan ng maaning sibuyas. Iwinasiwas noong ni Marcos ang P3-bilyong proyektong binansagang ORION (Optimization and Resiliency in the Onion Industry Network) na kunwa’y solusyon sa pagkalugi ng mga magsasaka. Itatayo diumano ang mga pasilidad na ito sa Mindoro pagsapit ng 2025.
“Nakita na natin ito noon, nang bumagsak ang presyo ng sibuyas dahil sa importasyon, at napilitan ang mga magsasaka na magtambak ng kanilang ani dahil sa oversupply. Ano na ang nangyari sa pangako ni Pres. Ferdinand Marcos na magtayo ng mga cold storage facility para sa mga magsasaka?” tanong ng KMP.
“Nagdurusa na ang mga magsasaka sa pataas nang pataas na gastos sa produksyon at pinsala ng nagdaang mga bagyo. Sa hali na importasyon, dapat magpokus ang gubyerno sa pagpapalakas ng lokal na produksyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga post-harvest facility, cold storage at akses sa mga palengke para sa mga magsasakam,” pahayag ni Ramos. “Kailangan ng matagalang solusyon, di padaskol-daskol na patakaran sa importasyon.”