Marcos, siningil sa mga kalamidad na tumama sa mamamamayang Pilipino
Nagtungo sa Mendiola sa Maynila ang mga kasaping organisasyon sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) noong Agosto 7 para singilin at papanagutin ang rehimeng Marcos sa kapabayaan nito sa mga nasalanta sa pagbaha na dulot ng hanging habagat at Bagyong Carina, gayundin sa nagaganap na oil spill sa Manila Bay. Siningil nila ang rehimen sa kapalpakan nitong ipatigil ang reklamasyon sa Manila Bay at sa pagnanakaw nito ng pondo para sa mga proyekto para sa flood-control.
“Isang taon na mula nang berbal na ipasuspinde ni Pangulong Marcos Jr ang mga reklamasyon sa Manila Bay, nananatiling banta ang mga nasabing proyekto sa kabuhayan ng mga mangingisda, at napatunayan pa nga kamakailan na maging sa kaligtasan ng maraming residente sa panahon ng kalamidad,” pahayag ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. “Hindi naging palaisipan sa maraming kababayan na ang sanhi ng matinding pagbaha noong kasagsagan ng bagyong Carina at Habagat ay ang pagtatambak at dredging sa Manila Bay.”
Pinananagot rin ng mga grupo ang San Miguel Corporation, na may-ari ng langis na tumatagas ngayon sa Manila Bay. Sa pagkilos, binato nila ng putik ang mga larawan nina Marcos at Ramon Ang, may-ari ng San Miguel bilang simbolo ng kanilang galit at paniningil.
Lumahok sa pagkilos ang Kalikasan People’s Network for the Environment, AGHAM, PAMALAKAYA, iba pang mga organisasyon at ilang residente ng mga komunidad na nasalanta ng bagyo at oil spill.