Balita

May-ari ng pagawaan ng patis sa Bulacan, dapat managot sa pagkamatay ng 4 nitong manggagawa

,

Nanawagan ng imbestigasyon at pananagutan ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa pagkamatay ng apat na manggagawa sa isang pagawaan ng patis sa Barangay Panghulo, Obando, Bulacan noong Oktubre 3. Namatay ang apat matapos mawalan ng malay sa loob ng fermentation pool ng pabrika.

Ayon sa mga balita, inutusan ng may-ari ng pagawaan ang isa sa mga trabahador na linisin ang fermentation pool. Nawalan siya ng malay dulot ng matatapang na kemikal dito. Agad siyang sinaklolohan ng tatlo pang trabahador ngunit pati sila ay nahilo at nawalan din ng malay, na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

“Dapat managot ang may-ari ng establisimyento,” ayon kay Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan. Naniniwala ang lider-manggagawa na mayroong kapabayaan ang may-ari sa pagtitiyak sa kalusugan at kaligtasan sa pagawaan.

Ayon kay Adonis, dapat kagyat na magbigay ng tulong ang kumpanya sa pamilya kabilang ang pampalibing, at iba pa habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Panawagan din ng lider-manggagawa sa Department of Labor and Employment na sinsinin ang mga inspeksyon sa mga pagawaan para tiyaking ligtas na lugar ang mga ito sa pagtatrabaho. May pananagutan rin ahensya sa pagkamatay ng apat na manggagawa, aniya.

AB: May-ari ng pagawaan ng patis sa Bulacan, dapat managot sa pagkamatay ng 4 nitong manggagawa