Meralco, magtataas ng singil sa pampitong pagkakataon ngayong taon
Inianunsyo ng Meralco noong Nobyembre 11 na itataas ito ang singil sa kuryente nang ₱0.4274/kwh. Bunga nito, aabot na sa ₱11.8569/kwh ang babayaran ng mga konsyumer simula Nobyembre, mula sa ₱11.4295/kwh noong OKtubre. Mangangahulugan ito ng dagdag na ₱85 sa buwanang bayarin ng isang pamilyang kumukonsumo ng 200/kwh bawat buwan.
Ang pagtaas ay ikapito na sa ipinataw ng kumpanya ngayong taon na nagdagdag ng kabuuang ₱3.43/kwh o ₱686 kada buwan para sa pamilyang kumukunsumo ng 200kwh kada buwan, o kabuaang ₱2,371.38 na bayarin simula ngayong Nobyembre. Ang halagang ito ay katumbas ng 17% ng sahod ng isang pamilyang kumikita lamang ng minimum sa National Capital Region.
Ilang linggo ang nakaraan, inianunsyo ng Meralco na inaasahan nitong umabot sa mahigit ₱43 bilyon ang makakamal nitong kita ngayong 2024. Ginagamit nito ang pagdadahilan ng pagtaas-baba ng presyo ng suplay sa pamilihan, na kontrolado ng katulad kasabwat nitong iilang kumpanya sa enerhiya, para arbitraryong itaas ang singil sa kuryente. Kamakailan, idinahilan naman nito ang pagtaas diumano ng “generation charge,” na itinatakda ng mga kumpanyang pag-aari rin nito sa pamamagitan ng Meralco PowerGen Corporation.
Ang Meralco ay pag-aari ng Metro Pacific Investment Corporations na pinatatakbo ng burgesyang kumprador na si Manny Pangilinan. Kasosyo nito ang JG Summit Holdings ng pamilyang Gokongwei.
| Buwan | Itinaas |
|---|---|
| Enero | ₱0.20 per kWh |
| Pebrero | ₱0.15 per kWh |
| Marso | ₱0.30 per kWh |
| Mayo | ₱0.4621 per kWh |
| Hulyo | ₱2.1496 per kWh |
| Setyembre | ₱0.1543 per kWh |
| Nobyembre | ₱0.4274 per kWh |