Mga barangay sa Masbate, dinumog ng militar para "pasukuin" ang isang sibilyan
Nagtambak ng mga sundalo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa magkakanugnog na mga barangay ng Baang, Sawmill, Barag at Mapuyo sa bayan ng Mobo, Masbate noong Enero 27 para tugisin at “pasukuin” ang sibilyan na nagngangalang Sony Diamos. Ayon sa ulat ng mga residente, matagal nang pinipilit ng militar na “sumuko” si Diamos ngunit tumatanggi siya dahil naniniwala siyang walang dahilan para gawin niya ito.
Pinabulaanan ni Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate, ang paratang ng militar kay Diamos na isa siyang Pulang mandirigma. Aniya, biktima si Diamos ng kampanya ng sapilitang “pagpapasuko” ng Retooled Community Support Program (RCSP) ng AFP sa nagdaang mga taon.
Tinugis si Diamos ng mga pasista hanggang sa pinaslang ng militar noong 2021 ang kanyang kapatid na si Danny sa Sityo Imbudo, Barangay Jamorawon, Milagros. Napagkamalan siya ng mga sundalo na siya si Sony na target nilang patayin.
“Batid nila na hindi ang pagsurender sa militar ang magbibigay katiyakan sa kanilang kaligtasan,” dagdag ni Ka Luz. Sa nagdaang mga taon, marami sa mga “surenderi” ang naging biktima ng pamamaslang na pinalabas ng pasistang AFP na napatay sa gawa-gawang engkwentro.
Ang kulumpon ng mga barangay sa mga bayan ng Mobo, Uson at Milagros na ipinaiilalim ng AFP sa militarisasyon ay sasaklawin ng operasyong mina ng Filminera-Masbate Gold Project. “Sa panghahalihaw ng militar, inoobliga nitong palayasin sa kanilang mga lupang sakahan ang mga magsasaka. Binabantaan ang mga hindi sumusunod sa kanilang kagustuhan. Masahol, ang mga lumalaban upang pangalagaan ang kanilang buhay at kabuhayan ay pinapatay ng mga militar,” ayon kay Ka Luz.
Ang karahasan at terorismo ng estado na ito umano ang lalong nagtutulak pa sa masang Masbatenyo na tumangan ng armas at magsilbing mandirigma ng BHB-Masbate para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at mga kapwa anakpawis.