Pahayag

AFP, malawakang ipinatutupad ang batas militar sa Masbate

Sa tabing ng programang Modified Community Support Sustainment (MCSSP), isinailalim ng 2nd Infantry Battalion-Philippine Army (2nd IBPA) sa batas militar ang siyam na barangay sa bayan ng Palanas at Dimasalang mula Hulyo 11, na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Kabilang dito ang barangay Buenasuerte, San Antonio, San Isidro, Salvacion, San Carlos, Maanahao, Matugnao, at Biga-a sa bayan ng Palanas at barangay Cabrera sa bayan ng Dimasalang. Ipinatawag at pinulong ng militar ang mga barangay upisyal at tanod ng naturang mga barangay. Inatasan ang mga barangay tanod na magbantay, pinagtsekpoynt sa mga labas-masok na mga tao sa lugar at pinaglalagbok. Ipinatupad ang curfew mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga. Linimitahan rin ang oras ng pagtrabaho ng mga tao na dapat ay alas-4 ng hapon ay nakauwi na sa kani-kanilang bahay.

Habang walang tigil na sinusuyod ang mga barangay ng Parina, Malibas, Miabas, Mabini, Intusan, Antipolo sa bayan ng Palanas at mga barangay ng Maanahao, Cadulawan at Tuybo sa bayan naman ng Cataingan.

Tuluy-tuloy rin ang mga focus military operations (FMO) sa mga barangay sa mga bayan ng Mobo, Milagros at Uson. Kasabay nito, patuloy na denedebelop ang mga kalsada papunta sa mga kabundukan ng naturang mga lungsod na inihahanda para sa pagpasok ng kumpanya ng minang Filminera-Masbate Gold Project. Gayundin sa mga bayan ng Pio V. Corpus at Esperanza, kung saan apat na sibilyan sa Barangay Baras, Esperanza ang sinampahan at nakulong sa gawa-gawang kasong rebellion ng mga militar. Kinilala ang mga biktima na sina Ronnie Ursal, Manlik Espinosa at Melicio Malaras, dinakip noong Hunyo 25 at Vicente Colomna, na dinakip naman noong Hunyo 11. Ang tatlo ay nakalaya na liban kay Colomna na nananatiling nakakulong sa bayan ng Cataingan.

Ilinulusot ng militar ang malawakan at pinatinding pagpapatupad ng kanilang batas o batas militar sa mga kanayunan ng prubinsya gamit ang mapanlinlang na programang MCSSP. Layunin nitong hadlangan ang anumang pagkilos ng masang Masbatenyo sa paparating na State of the Nation Address (SONA) ni Bongbong Marcos Jr sa huling linggo ngayong buwan ng Hulyo 2025.

Liban dito, pilit nilang tinatakpan ang kanilang krimen at nililinis ang madungis na nilang imahe sa mamamayan. Sa Barangay Salvacion, Palanas kasabay ng kanilang pagpulong sa mga upisyal ng barangay, pinalalabas nilang gawa-gawa lamang ng New People’s Army (NPA) at pinararatangan lamang umano sila na nagnakaw ng mga alagang manok, solar at panel nito, baterya at gitara sa Barangay Intusan, Palanas matapos kumalat ang balita sa social media. Nagganap ito noong nakaraang buwan kung saan nagkaroon ng operasyong kombat ang militar sa naturang barangay.

Iilang mga barangay upisyal at residente na ang dumulog sa Meyor ng kani-kanilang lungsod upang magreklamo o di kaya ay humihingi ng tulong na mapakiusapan ang upisyal militar ng 2nd IBPA na itigil ang ginagawa nitong pagpapailalim sa kanilang mga barangay sa batas militar. Reklamo ng mga ito na malaking sagabal sa kanilang malayang pagtrabaho sa kani-kanilang sakahan at araw-araw na paghahanap-buhay ang ginagawa ng militar sa kanilang barangay, lalupa’t karamihan sa kanila ay may mga lingguhang hulugan o babayarang utang.

Nananawagan naman ang Jose Rapsing Command-NPA Masbate sa lahat ng mga upisyal o pinuno ng barangay na gampanan ang kanilang papel upang pangalagaan ang karapatan at kaligtasan ng kanilang nasasakupan. Manguna sa pakikipagdayalogo sa mga upisyal ng lokal na pamahalaan at upisyal ng militar at igiit ang pagpapaimbabaw ng burukrasya sibil laban sa batas ng militar.

Dapat ring kumilos ang masang Masbatenyo upang ilantad, labanan at mapanagot ang militar sa kanilang patung-patong na krimen. Higit sa lahat, singilin ang amo nitong si Bongbong Marcos Jr sa pagpapatupad ng batas militar sa kanayunan na yumuyurak sa karapatan, kabuhayan, kapayapaan at kaligtasan ng mamamayang Masbatenyo.

AFP, malawakang ipinatutupad ang batas militar sa Masbate