Balita

Mga bilyunaryo sa mundo, nagkamal ng dagdag na $2 trilyon noong 2024

Sa gitna ng laganap na gutom, kahirapan at gera, nadagdagan ng $2 trilyon ang yaman ng mga bilyunaryo sa buong mundo noong 2024. Ayon sa pinakahuling ulat kaugnay dito ng Oxfam, lumaki mula $13 trilyon tungong $15 trilyon ang pinagsama nilang halaga. Tatlong beses ito na mas mabilis kumpara sa 2023.

Sa 2024, lumitaw ang 204 bagong mga bilyunaryo, ayon sa Oxfam. Sa ngayon, mayroong 2,769 mga bilyunaryo sa buong mundo. Nagkamal ang marami sa kanila (60%) ng yaman hindi sa pamamagitan ng produksyon, kundi mula sa mana, kroniyismo at korapsyon, at pagmonopolyo ng kapangyarihan. “Kumikita” ang mga bilyunaryo ng abereyds na $100 milyon kada araw.

Nanatili sa listahan ang mga Amerikanong bilyunaryo na sina Jeff Bezos ng Amazon, Elon Musk ng Tesla/Space X, Mark Zuckerberg ng Meta/Facebook, Larry Elison ng Orable, at ang French na bilyunaryong si Bernard Arnault.

Noong nakaraang taon, bahagi ng listahan ng Oxfam ang mga burgesya-kumprador na sina Manuel Villar na may yamang $8.3 bilyon; Enrique Razon na may kabuuang halagang $6.7 bilyon at ang magkakapatid na Sy na may pinag-isang halaga na $12.5 bilyon. Ayon sa grupo, mas malaki ang halaga ng siyam na pinakamayamang Pilipino kumpara sa halagang kinikita ng kalahati ng populasyon.

Sa kabilang banda, nasa 692 milyong mamamayan sa buong mundo ang nabuhay sa matinding kahirapan noong 2024. Wala pa sa bilang na ito ang milyun-milyong mamamayang napalayas at dumaranas ng gutom dulot ng mga imperyalistang gera at armadong sigalot tulad sa Gaza at Syria. Hindi naman nagbago ang bilang ng mga nabubuhay sa kahirapan na tinatayang nasa 3.6 bilyon o 44% ng populasyon ng mundo.

Sa harap nito, nananatiling panawagan ng maraming grupo, kasama ang mga progresibong grupo sa Pilipinas, na patawan ng buwis ang yaman ng mga bilyunaryo.

AB: Mga bilyunaryo sa mundo, nagkamal ng dagdag na $2 trilyon noong 2024