Mga dating upisyal ng rehimeng Duterte sa DoH at DBM, hinatulang maysala sa mga anomalya noong pandemya

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pinatatanggal sa serbisyo publiko, pinaaatras ang mga benepisyo sa pagreretiro, at panghabampanahong pinagbawalang magtrabaho sa gubyerno sina Francisco Duque III, dating kalihim ng Department of Health (DOH), at Christopher Lao, dating Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary, ng rehimeng Duterte. Ang hatol na ito ay matapos idineklara silang maysala sa mga kasong grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service kaugnay ng mga anomalya sa paggastos ng pondo ng gubyerno noong pandemya.

Dagdag dito, inirekomenda rin ng Ombudsman ang pagsasampa ng kasong katiwalian laban sa kanila. Ibinatay ito sa maanomalyang paglilipat ng ₱41 bilyon mula sa DOH tungo sa Procurement Service ng DBM na kinasangkutan ng kumpanyang Pharmally noong panahon ng pandemya.

Suportado ng mga manggagawang pangkalusugan sa ilalim ng Alliance of Health Workers (AHW) at Health Alliance for Democracy (HEAD) ang naging hakbang ng Ombudsman. Ayon sa AHW, nararapat lang na panagutin ang mga sangkot na indibidwal at upisyal ng gubyerno sa mga anomalyang ito.

“Isang malaking ginhawa para sa aming mga manggawang pangkalusugan at mga pasyenteng naging biktima ng kriminal na kapabayaan ng DoH at administrasyong Duterte noong pandemyang Covid-19 ang atas ng Ombudsman na magsampa ng kasong katiwalian laban kay Duque at Lao,” pahayag ni Robert Mendoza, pambansang tagapangulo ng AHW.

Magsisilbi din umanong babala ang naturang kaso para sa mga nasa poder at iba pang upisyal ng gubyerno na mapapanagot sila sa kanilang mga maling aksyon, laluna sa paggastos sa pondo ng bayan.

Mula nang nagsimula ang pandemyang Covid-19 sa bansa, kumaharap ng labis-labis na mga pagsubok at kahirapan ang mga manggagawang pangkalusugan. Kabilang dito ang kakulangan ng mga personal protective equipment (PPE), napakahahabang oras ng trabaho, at hindi sapat na sweldo. Hindi bababa sa 100 manggagawang pangkalusugan ang namatay dulot ng pandemya.

“Nagagalit kami, at hindi namin malilimutan na noong unang bugso ng pandemya sa bansa, marami sa aming hanay ang nahawa ng bayrus at ang iba pa nga ay namatay dahil sa kawalan ng maayos na kalidad na PPE, kawalan ng gamot at suplay medikal dahil sa kapabayaan at kainutilan ng DoH at administrasyong Duterte,” pahayag naman ni Cristy Donguines, isang nars at tagapangulo ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center Employees Union-AHW. “Tapos malalaman namin na mayroong anomalya sa pondo,” dagdag niya.

Giit ng AHW, dapat papanagutin din ang DoH sa hindi tamang pamamahagi sa mga droga, gamot at suplay na inimbak lamang at pinabayaang masira ng ahensya sa mga warehouse nito. Dismayado ang grupo dahil pupwedeng nagamit at nakinabang dito ang mga pasyenteng nangangailangan ng libreng mga gamot at serbisyong pangkalusugan.

Liban kay Duque at Lao, nanawagan din ang HEAD na dapat isakdal at parusahan ang lahat ng mga sangkot sa anomalyang ito kabilang na ang ne­go­sya­nteng Chi­ne­se at tagapayo sa ekonomya ni Duterte na si Micha­el Yang at mismong si Rodrigo Duterte. “Ang mga upisyal ng gubyerno ay dapat na nagsisilbi, hindi ginagamit ang kanilang posisyon para sa sariling mga benepisyo,” ayon pa sa HEAD.

AB: Mga dating upisyal ng rehimeng Duterte sa DoH at DBM, hinatulang maysala sa mga anomalya noong pandemya