Mga drayber ng dyip sa Cebu, umalma sa labis-labis na multa
Naglunsad ng protesta ngayong araw, Enero 25, ang mga drayber ng dyip sa ilalim ng Piston Cebu sa harap ng LTO Region 7 para batikusin ang pagtarget sa kanila para patawan ng labis-labis na multa.
Inalmahan ng mga tsuper ang Joint Administrative Order 2014-01 ng ahensya na nagtakda ng hanggang ₱27,000 multa para sa maliliit at gawa-gawang paglabag sa mga batas pantrapiko.
“Ang karaniwang drayber ng Cebu ay nagmumulta ng ₱6,000 pataas. Papatong pa ang demerit system sa lisensya na ginagamit para makikilan ang mga tsuper kapag renewal ng lisensya,” ayon sa Piston. Anila, sadyang ibinabagsak ng kurakot na upisyal ng LTO ang mga drayber sa renewal exam para sa kanilang mga lisensya, at ipinapasa lamang kapag “naglagay” o nagsuhol ng ₱8,000-₱10,000.
“May phaseout sa sasakyan, pero mauuna pa yatang ma-phaseout ang mga drayber dahil sa JAO at demerits.”
Itinuturing ng mga tsuper ang labis na pagmumulta bilang bahagi ng serye ng atake sa kanilang kabuhayan.
“Ginagawang negosyo ng buong rehimeng Marcos ang mismong paggugubyerno, kaya’t naghahanap ng lahat ng paraan ng pangingikil sa mamamayan, mula sa matataas na buwis hanggang sa matataas na multa,” anila.
Mula Enero hanggang Hunyo 2024, nag-isyu ang Cebu City Transportation Office ng 74,371 “citation ticket” kalakhan para sa di pagsunod sa ilaw trapiko. Marami sa mga minultahan ay mga drayber ng pampasaherong sasakyan at mga nakamotor. Kailangang bayaran ang multa sa loob ng tatlong araw at kung hindi ay madagdagan ang multa at maari pang kasuhan ang drayber o motorista.
Ilan sa mga bawal at may multa ang smoke belching (₱3,000), depektibong ilaw (₱500) at parking violation (₱100-₱1000/araw).