Mga Dumagat-Remontado, naglakbayan laban sa Kaliwa Dam
Mahigit 300 katutubong Dumagat/Remontado ang nagsimula ng martsa noong Pebrero 15 para ipaabot ang kanilang mahigpit na pagtutol sa planong Kaliwa Dam. Mula sa baybay ng Sulok, Barangay Catablingan sa General Nakar, Quezon, nagsimula silang maglakad patungo sa Malacañang sa Maynila.
Dadaan ang Alay-Lakad sa mga bayan ng General Nakar, Real, Famy, Pililia at Teresa, hanggang Antipolo City, Quezon City, at Maynila na may distansyang humigit-kumulang 150 kilometro. Ang ilan sa mga bayang nabanggit ay sasaklawin ng dambuhalang dam.
Iginigiit ng mga katutubo at grupong makakalikasan na wawasakin ng mega dam ang Sierra Madre na nagsilbing pananggalang laban sa mga bagyong tumatama sa Luzon. Mahigit 1,400 pamilyang Dumagat-Remontado sa dalawang lalawigan ang maaapektuhan ng Kaliwa dam.
Iginiit nila kay Marcos Jr ang kagyat na pagpapahinto sa paghuhukay sa munisipalidad ng Teresa sa Rizal. Anila, hindi pa tapos ang proseso ng pagkuha ng pagsang-ayon ng mga komunidad sa proyekto.
Ayon sa community leader na si Conchita Calzado, hindi sila aalis sa Metro Manila hanggat walang malinaw na sagot mula kay Marcos.
Noong Disyembre 12, 2022, nalantad ang pagmamanipula ng Manila Water Sewerage System (MWSS) at National Commision on Indigenous People (NCIP), nang ihayag ng mga ito ang diumano’y pagsang-ayon ng mga komunidad ng Dumagat sa naturang proyekto. Bilang pagkundena sa pataksil na hakbanging ito ng MWSS, kinalampag ng mga katutubo ang upisina nito sa Quezon City noong Disyembre 29, 2022.