Mga grupong kontra-RIMPAC, nagkasa ng mga protesta sa US at Hawaii

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagkasa ng 1-linggong protesta ang mga grupo sa ilalim ng International Cancel RIMPAC Campaign Resist NATO Coalition laban sa RIMPAC (Rim of the Pacific Exercise) na kasalukuyang isinasagawa ng US sa Hawaii at sa palibot na karagatan. Ang RIMPAC ang pinakamalaking war games na isinasagawa ng Navy ng Indo-Pacific Command. Nagsimula na ito noong Hunyo 27 at tatagal hanggang Agosto 2. Samantala, naghahanda rin ang iba’t ibang grupo na magprotesta sa nalalapit na pagdaos ng NATO Summit sa Washington, DC mula Hulyo 9 hanggang Hulyo 11.

Kabilang sa mga grupong ito ang Bayan-USA at Malaya Movement USA na may mga balangay sa San Diego at Hawaii.

“Maraming Pilipino sa San Diego,” ayon kay Eric Tandoc ng Malaya-San Diego. “Tinitipon (ng US) sa RIMPAC exercises ang 30 hukbong nabal sa mundo para manulsol ng gera sa China, na naglalagay sa aming mga kamag-anak at mahal sa buhay sa Pilipinas sa mas malaking panganib at sa gitna ng gera na di nila ginugusto.” Ang mga barko ng US na kalahok sa RIMPAC ay nagsisimula sa base militar nito sa San Diego.

Tinawag ng Bayan-USA ang RIMPAC, gayundin ang NATO, bilang mga “instrumentong gera” ng US at nananawagan sa lahat ng mga Pilipino sa US at iba pang lugar na tutulan ang mga ito.

“Mula sa 2-taong proxy war nito sa Russia sa Ukraine, hanggang sa pagsuporta nito sa Zionistang entidad sa henosidyo ng Israel laban sa mamamayang Palestino, itinutulak ng US ang kapangyarihang militar nito sa hangaring panatilihin ang humihinang kapangyarihan nito sa mundo,” pahayag ng Bayan-USA noong Hunyo 27. Papalaki ang banta ng lantarang imperyalistang gera sa Asia-Pacific, habang patuloy na kinukubkob at sinusulsulan ng US ang China sa larangan ng ekonomya, pulitika at militar, anito.

Susi ang papel ng Pilipinas sa estratehiya ng US laban sa China. Itinuturing nito ang bansa bilang “unsinkable aircraft carrier” o di magagaping lunsaran ng mga eroplanong pandigma at mga pwersa sa Asia, at ang mamamayang Pilipino bilang pambala ng kanyon.

“Ang RIMPAC ay pantabing para sa pagtitipon ng US at mga alyado nito para i-rehearse o paghandaan ang gera, pamamaslang at pamiminsala,” ayon sa grupo. “Magpapalala lamang ito sa tensyon sa pagitan ng mga kapangyarihang militar sa buong mundo, partikular sa mga bansang nakikita niyong humahamon sa hegemonya nito tulad ng China, Russia, Iran at ng Democratic People’s Republic of Korea.”

Kada taon, pinipinsala ng RIMPAC ang mamamayan at kalikasan ng Hawaii, kung saan isinasagawa ang karamihan ng mga maniobrang pandigma. Kabilang dito ang mga live missile fire at ground assault na nagdudulot ng kagyat na pinsala, at polusyong kemikal na nagdudulot ng pangmatagalang pinsala sa lupa, kahanginan at karagatan ng mga isla na iindahin ng susunod pang mga henerasyon.

“Sa pangkalahatan, titiisin ng mga pamilyang manggagawa at katutubong Hawai’ian ang masasamang epekto ng mga war games na ito,” ayon sa Bayan-USA.

Umaabot sa 15% ng populasyon ng San Diego ay mga Pilipino, habang 25% sila sa populasyon ng Hawaii.

AB: Mga grupong kontra-RIMPAC, nagkasa ng mga protesta sa US at Hawaii