Balita

Mga kabataan ng Davao, umalma sa pagpahintulot ng Comelec na tumakbong senador si Quiboloy

, ,

Nagpahayag ng pagkadismaya ang Anakbayan-Southern Mindanao Region (SMR) sa inilabas na desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagpahintulot sa kriminal at tauhan ni Duterte na si Apollo Quiboloy na tumakbo bilang senador sa eleksyong 2025. Pinagtibay ng Comelec en banc ang naunang desisyon ng First Division nito na kumatig sa pagtakbo ni Quiboloy. Isinapubliko ang resolusyon noong Disyembre 27.

Para sa Anakbayan-SMR, ibayong inilalantad ng desisyong ito ng Comelec ang kabulukan ng sistema sa bansa na patuloy na nang-aapi at nagsasamantala sa mga Pilipino. “Hindi nakakagulat ang ganitong desisyon ng Comelec ngunit isa itong porma ng kawalang hustisya para sa mga biktima ng abuso sa kamay ni Quiboloy,” pahayag ni Fauzhea Guiani, tagapangulo ng grupo.

Ayon sa Comelec, bigo ang petisyuner na si Atty. Sonny Matula, kandidato pagkasenador ng Workers and Peasants’ Party (WPP) at lider ng Federation of Free Workers (FFW), na magbigay ng sapat na ebidensya para kanselahin ang kandidatura ni Quiboloy.

Sa petisyon noong Oktubre, ipinadidiskwalipika niya si Quiboloy dahil sa maling reprentasyon nito sa kanyang sarili bilang kandidato ng WPP. Aniya, ang indibidwal na lumagda sa dokumento ng nominasyon ni Quiboloy ay hindi lehitimong upisyal ng kanilang partido. Kasunod nito ay nagdeklara si Quiboloy na tatakbong independent at pinagtibay ng Comelec ang kanyang kandidatura.

Sa motion for reconsideration, pinuna ni Attorney Matula ang kandidatura ni Quiboloy dahil “kinukutya nito ang prosesong elektoral” at “isinisiwalat ang matingkad na pagkakaiba” sa pagtrato sa mga kandidato. Aniya, kumahaharap si Quiboloy sa maraming ligal na kaso kabilang ang child sex trafficking ngunit pinayagang makatakbo habang ang isang kandidato ng WPP na kilalang lider Moro ay idineklarang “nuisance.”

Ayon pa kay Guiani, “manipestasyon ito ng umiiral na bulok na sistema…na nagpapanatili sa mga pulitikong korap, pahirap at kriminal na katulad ni Quiboloy at mga kaalyado nitong mga burukrata kapitalista’t panginoong maylupa na patuloy na nanlilinlang sa taumbayan.” Si Quiboloy ay malapit na kaibigan at tagasuporta ng mga Duterte at mangangamkam ng lupa ng mga Lumad sa Southern Mindanao. Mayroon din siyang mga kaso ng pagpaslang sa mga magsasaka at Lumad at iba pang paglabag sa karapatang-tao sa rehiyon.

Nanawagan si Guiani sa mga kapwa niya kabataan na patuloy na tuligsain ang desisyong ito ng Comelec at ang kabuuang bulok na kalakaran ng eleksyon sa bansa. “Hanggang nanatili ang bulok na kaayusan, malabo ang pagkamit ng hustisya’t katarungan para sa mga biktima kung hindi lalaban ang mamamayan para baguhin ito. Kaya tumindig sa ating mga karapatan at lumahok sa pambansa-demokratikong pakikibaka!”

AB: Mga kabataan ng Davao, umalma sa pagpahintulot ng Comelec na tumakbong senador si Quiboloy