Mga kasapi ng Partido sa Central Negros, muling nanumpa sa gitna ng operasyong militar
Bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-55 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), inilunsad ng mga kadre at kasapi ng Partido sa Central Negros ang muling panunumpa sa bandila noong Disyembre 4. Pursigidong inilunsad ng yunit ng Partido ang aktibidad sa larangan sa gitna ng operasyong kombat ng militar sa erya.
“Kolektibong inilunsad ang aktibidad bilang tanda ng ibayong pagpapalakas sa rebolusyonaryong paninindigan ng mga kasapi,” pahayag nila.
Batay sa nagdaang mga pahayag ng BHB-Central Negros, hinaharap ng larangan ang pinatinding operasyong kombat mula pa 2020. Hindi bababa sa 22 detatsment ng militar, paramilitar at pulis ang nasa saklaw ng larangan. Daan-daang pwersang militar at pulis din ang pinakikilos sa mga antas-dibisyon at antas-brigadang operasyon ng Armed Forces of the Philippines laban sa kanila.
Para sa mga kasapi at kadre ng Partido sa larangan, ang pagsariwa sa panunumpa ay pagpapamalas ng determinasyon ng Partido na mahigpit na pamunuan ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at rebolusyonaryong masa sa saklaw ng Central Negros.
Sinasaklaw ng pamumuno ng Partido sa larangan ang anim na bayan na may higit 60 barangay at 400 sityo. Pinamumunuan din ng yunit ang pagpapalakas ng mga ganap na samahang masa sa Central Negros at ang baseng masa na tinatayang nasa 150,000 katao batay sa pahayag nito noong Disyembre 2022.
Muli din umano nitong pinagtitibay ang kumprehensibo at militanteng pamumuno at paglaban sa reaksyunaryong estratehikong gera ng rehimeng US-Marcos matapos ang anim na taong pakikibaka laban sa brutal na rehimeng US-Duterte.
Itinutulak din ng yunit ng Partido at hukbong bayan ang pag-aaral at pagtatalakay sa Konstitusyon at Programa ng Partido at iba pang mga itinakdang babasahin ng Komite Sentral.
Naging buhay ang talakayan sa huling pahayag ni Ka Jose Maria Sison na “Hindi magagapi ang demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino.”
Ayon pa kay Ka Sakai, Pulang kumander, “ang patuloy na paglakas ng PKP, BHB at rebolusyoaryong organisadong masa sa ngayon na matapang na nagsusulong sa armadong pakikibaka sa kanayunan sa saklaw na larangan at iba pang mga larangang gerilya sa Isla ng Negros ang kongkretong patunay na wasto ang pamumuno ng Partido sa mga Pulang mandirigma at malapad na masa.”
“Higit na lalakas pa ang ating hanay kung aarmasan natin ito ng Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang pundasyon para harapin ang mas malupit pa na mga bagyo at unos sa hinaharap,” pahayag naman ni Ka Sisa, instruktor sa pulitika ng hukbo.