62nd IB, binigwasan ng BHB sa Central Negros

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Magkasunod na aksyong militar ang matagumpay na inilunsad ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa ilalim ng Leonardo Panaligan Command (LPC-BHB-Central Negros) laban sa mga berdugong tropa ng 62nd IB ng Philippine Army noong Nobyembre 12 sa Canlaon City at Guihulngan City.

Isa ang napatay at dalawa ang sugatan sa hanay ng mga pasistang sundalo ng reaksyunaryong gubyerno. Gayunman, tulad ng inaasahan, itinago na naman ng reaksyunaryong militar sa publiko ang kanilang kabiguan sa kamay ng BHB. Taliwas sa nangyari, pinalalabas ng AFP sa masmidya na “palaging natatalo” ang BHB at “namamatay” sa mga labanan at marami ang “nagugutom at sumusurender” na lamang.

Ayon sa ulat ni Ka JB Regalado, tagapagsalita ng LPC-BHB-Central Negros, naganap ang taktikal na opensiba bandang alas-5:32 ng hapon nang maglunsad ang mga Pulang mandirigma ng operasyong isnayp laban sa Army Detachment sa Barangay Budlasan, syudad ng Canlaon. Isang tropa ang nasugatan sa unang operasyon.

Pagsapit ng alas-9:00 ng gabi sa araw ding iyon, nagsagawa ng harasment ang isa pang yunit ng BHB laban sa nagkukumpulang mga sundalo ng 62nd IB-PA. Halos 30 metro lamang ang layo ng mga Pulang mandirigma nang kanilang paulanan ng bala ang mga tropang nagkakampo sa gym ng Barangay Trinidad National High School, Barangay Trinidad, syudad ng Guihulngan. Isa ang napatay at isa rin ang nasugatan sa pasistang militar.

“Ang pananatili at pagkakampo ng militar sa mga paaralan at iba pang pampublikong lugar ay malinaw na bayolasyon sa mga kasunduan sa batas ng digma at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law,” ani Ka JB Regalado.

AB: 62nd IB, binigwasan ng BHB sa Central Negros