Mga kaso laban sa 2 bilanggong pulitikal sa Davao de Oro, ibinasura ng korte
Inianunsyo noong nakaraang linggo ng Karapatan-Southern Mindanao ang pagbasura ng isang korte sa Davao de Oro sa mga kasong kriminal na kinahaharap ng dalawang bilanggong pulitikal sa Tagum City. Bunga ng pagkakabasura sa mga kaso, makakalaya na ang isa sa kanila.
Ayon sa grupo, ibinasura ng Regional Trial Court (RTC) Branch 56 noong Nobyembre 26 ang mga kasong maramihang pagpatay, bigong pagpatay, maramihang bigong pagpatay at pagnanakaw laban kina Catherine Guinoo at Roel Villanueva Cabales. Kasunod ito ng pag-atras ng lahat ng saksi ng prosekusyon laban sa dalawa.
“Ang pagbasura ay matapos ang dramatikong serye ng kaganapan sa naging pagdinig,” ayon sa grupo. Noong araw na iyon ay ihaharap sana ng prosekusyon ang saksi nitong si PFC Rey Agustin Balcorsa ng 66th IB.
Si Balcorsa ay sinasabing isa sa mga nakaligtas sa naganap na engkwentro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ng mga sundalo noong Oktubre 2008 sa bayan ng New Bataan. Sa insidenteng ito ibinatay ang mga kasong isinampa kina Guinoo at Cabales.
Sa pagdinig, bago ang pagbibigay ng testimonya ni Balcorsa ay humiling ng limang minutong pahinga ang prosekusyon. Pagbalik sa korte, bigla na lamang umatras si Balcorsa. Gayundin, sinabi ng prosekusyon na lahat ng nalalabing saksi ay wala nang kakayahang magbigay ng testimonya.
“Sa kawalan ng mga saksi na susuporta pa sa mga alegasyon, ang kaso laban kina Guinoo at Cabales ay epektibong gumuho,” pahayag ng Karapatan-Southern Mindanao. Pinatunayan ng pagbasura ng korte sa kaso na ang mga ito ay gawa-gawa lamang para patahimikin sila, ayon sa grupo.
Sina Guinoo at Cabales ay higit isang taon nang nakakulong sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology sa Tagum City. Inaresto sila ng mga pwersa ng estado noong Nobyembre 16, 2024 sa Cotabato City.
Sa pagkakakaresto pa lang sa dalawa, batbat na ng anomalya ang proseso ng pagdakip kabilang ang kawalan ng body-worn camera ng mga umaresto ayon sa Karapatan-Southern Mindanao. Habang nakakulong, dumanas rin ang dalawa ng “mapanghimasok, personal, at paulit-ulit” na interogasyon mula sa mga pwersa ng estado.
Makakalaya na si Guinoo dahil wala na siyang kinahaharap na iba pang kasong kriminal. Sa paglaya ni Guinoo, mababawas siya sa hindi bababa sa 42 bilanggong pulitikal sa rehiyon.