Balita

Mga kasong isinampa ng pulis laban sa mga nagrali noong Araw ng Anakpawis, kinundena

,

Kinundena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagsasampa ng kaso ng Philippine National Police (PNP) laban sa inarestong organisador ng Bayan Muna, sa kanilang tagapangulo na si Elmer Labog at iba pang mga indibidwal. Mga kasong direct assault at disobedience ang isinampa sa kanila kasunod ng marahas na pagbuwag ng mga pulis sa protesta noong Nobyembre 30 sa Mendiola, Manila.

Sa araw ng pagkilos, inaresto ng mga pulis ng Maynila si Nilo Mortifero, isang senior citizen at organisador ng Bayan Muna. Dinampot siya habang naglalakad lamang sa gilid ng kalsada upang maghanap ng banyo at upang ingatan ang kanyang kalusugan. Liban sa kanya, mahigit 40 sa mga nagprotesta ang sinaktan ng mga pulis sa pambabatuta, paghampas ng truncheon at iba pang pisikal na pananakit.

Sa kabi-kabilang pahayag nito sa midya, pinalalabas ng PNP na kasalanan ng mga aktibista ang pananakit at kaguluhuan. Nagpaplanong magsampa ng kontra-asunto ang KMU laban sa mga pulis.

Samantala, bumisita kay Mortifero sa kulungan sa Ermita, Manila ang mga myembro at lider ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) at Iglesia Filipina Independiente ngayong araw, Disyembre 5. Naghatid sila ng pagkain at suporta sa 54 mga bilanggo kabilang si Mortifero.

Ayon sa UCCP, “ang kaso niya ay hindi nahihiwalay sa kalagayan ng maraming mga bilanggong pulitikal na ikinulong sa gawa-gawang mga kaso—bagay na patuloy na kinukundena ng UCCP. Ibinahagi ng simbahan na ang pagbisita sa kulungan ay bahagi ng pagpapatibay ng pagkakaisa ng IFI at UCCP at kanilang misyon para sa hustisya.

AB: Mga kasong isinampa ng pulis laban sa mga nagrali noong Araw ng Anakpawis, kinundena