Balita

Mga kumpanya ng kuryente, tiba-tiba sa pagtaas ng singil nitong Agosto

,

Sa maraming bahagi ng bansa, dinig na dinig ang pag-aray ng mamamayan pagdating ng kanilang mga bill sa kuryente nitong Agosto. Kumpirmado ng Philippine Statistics Authority na pinakamalaking salik ng pagbilis ng implasyon ang pagtaas ng singil sa kuryente. Liban sa Meralco, nagtaas rin ng singil ang mga lokal na kumpanya sa kurtyente noong Hulyo.

Matatandaang pinigilan ng Energy Regulatory Board ang isahang pagtaas ng singil ng mga kumpanya noong Mayo at inatasan ang mga ito na gawing “staggered.” Umaabot hanggang ₱4/kwh ang ipinataw na ng mga ito noong Mayo sa mga konsyumer. Dahil sa utos na ito, nagmukhang bumaba ang singil noong Hunyo, na kaagad din namang nabawi noong Hulyo at lalupa sa pagsirit ng singil ngayong Agosto at Setyembre.

Idinadahilan ng mga kumpanya na kailangan nilang magtaas dahil itinaas diumano ng mga prodyuser ng enerhiya ang presyo ng kuryente sa WESM. Matagal nang nagaganap ang manipulasyon ng presyo ng enerhiya sa WESM, lalupa’t ang mga distribyutor ay sila ring mga prodyuser, katulad ng Meralco.

Sa Luzon, ipinataw na ng Meralco ang dagdag na singil na ₱2.14/kwh noong Hulyo. Mula ₱9.45, nasa ₱11.60/kwh na ang bill ng mga konsyumer nito. Muli pang tataas ang singil sa Agosto at Setyembre nang ₱0.77. Saklaw ng pagtaas na ito ang 39 syudad at 72 munisipalidad sa National Capital Region (Metro Manila), Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Batangas, Quezon at Pampanga.

Nagtaas din ang singil sa Albay mula ₱8.46 tungong ₱11.19 noong Hulyo. Bagamat nag-anunsyo na hindi magtataas o magbababa pa nga ng singil ang ibang kumpanya sa kuryente sa isla, nananatiling isa sa pinakamataas sa buong bansa ang kuryente dito.

Ang Davao Light and Power Co., Inc. ay nagtaas ng singil nang ₱2.9601/kwh noong Hulyo matapos ibinaba nito ang singil nang ₱2.82/kwh noong Hunyo. Bumalik sa ₱10.90/kwh ngayon ang singil sa syudad. Nangahulugan ito ng ₱592.02 dagdag sa mga pamilyang kumukonsumo ng 200/kwh kada buwan. Muli rin itong magtataas ng singil sa Agosto ng ₱2.96/kwh at di pa inaanunsyong halaga sa Setyembre.

Sa Metro Cebu, itinaas ng Visayan Electric ang singil nang 37%, mula ₱9.71/kwh noong Hunyo tungong ₱13.27/kwh noong Hulyo. Dagdag ₱712 ito sa bayarin ng mga kostumer na kumukonsumo ng 200 kwh kada buwan. Muli itong magtataas ng singil sa Setyembre.

Sa Baguio City, ang ₱10.33/kwh noong Hunyo ay inaasahang tumaas tungong ₱11.50 sa Agosto.

Sa Iloilo City (MORE Power), tumaas ang singil mula ₱7.55/kwh tungong ₱11.13/kwh noong Hulyo at muli itong tataas sa Agosto tungong ₱14.0911/kwh.

Pinakamalalaki ang singil sa isla ng Negros. Sa Northern Negros, itinaas ng Northern Negros Electric Cooperative (NONECO) nang tumaginting na ₱6.56/kwh ang presyo ng kuryente, na nagresulta sa pagtaas ng singil mula ₱9.23 noong Hunyo tungong ₱15.79 noong Hulyo. (Noong Hunyo, inutusan ng ERC ang NONECO na batakin pababa ang sobra-sobrang singil nitong ₱17.26/kwh.)

Sa Central Negros, nasa ₱13.34/kwh na ang singil, mula sa ₱12.76/kwh noong Hunyo. Samantala, itinaas ng Negros Occidental Electric Cooperative (NOCECO) ang singil nito nang ₱1.31/kwh, mula ₱14.80/kwh noong Hunyo tungong ₱16.11 noong Hulyo.

Sa Leyte, tumaas ang singil mula ₱11.95 noong Mayo tungong ₱12.50 noong Hulyo. Sa Cagayan de Oro, hindi umakyat ang singil sa Hulyo, pero tataas ito nang ₱0.50/kwh sa Agosto.

AB: Mga kumpanya ng kuryente, tiba-tiba sa pagtaas ng singil nitong Agosto