Mga kumpanya sa quarrying at mina, salarin sa pinsalang idinulot ng pagbaha sa Rizal
Nagtungo kahapon, Setyembre 11, sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga grupong maka-kalikasan at mangingisdang apektado ng pagbaha sa Rizal nang manalasa ang bagyong Enteng. Panawagan nila ang agad na pagkansela sa lahat ng mga permit para sa quarrying at pagmimina sa prubinsya. Anila, ang sobra-sobrang pagkalbo sa kagubatan dito na dulot ng quarrying at mina ang isa sa mayor na dahilan ng mabilis na pagtaas ng tubig at malawakang pagbaha noong Setyembre 2.
Sa kasagsagan ng Bagyong Enteng, bumaha at gumuho ang lupa sa ilang lugar sa Antipolo City. Tumaas din ang tubig sa Cainta, Teresa, Tanay at Pililia. Umabot sa 8,306 pamilya o 31,677 indibidwal ang nasalanta ng pagbaha.
Nagmaang-maangan si Ferdinand Marcos at ang lokal na gubyerno ng Rizal, partikular ang meyor ng Antipolo na si Casimiro Ynares III, sa mga dahilan ng pagbaha.
Noong 2020, napilitan na ang DENR na isuspinde ang pagkukwari sa Rizal nang tumaas ang tubig sa Marikina River at bumaha sa National Capital Region dulot ng ulan na dala ng Bagyong Ulysses. Sinisi noon ang 16 na operasyong pagkukwari sa Rodriguez at tatlo sa Baras. Saklaw nito ang 4,964 na ektarya sa kabundukan ng prubinsya. Pero matapos ng ilang buwan, ibinalik ng DENR ang mga permit ng naturang kumpanya at itinangging ang mga ito ang sanhi ng pagbaha.
Ang Rizal ay ikalawa sa mga prubinsya na may pinakamaraming mining agreements sa Pilipinas. Mayroon itong 30 Mineral Production Sharing Agreement (MPSA), kasunod ng Cebu na may 35. Nasa 6,214.43 ektarya ang saklaw ng operasyong mina sa Rizal, kung saan 5,560 ektarya ang aktibo.
Ang Antipolo City ang may pinakamaraming operasyon sa pagmimina sa mga bayan ng Rizal, na may 15 MPSA, o kalahati ng mga operasyon sa buong Rizal.
Karamihan ng hinuhukay sa Rizal ay mga mineral o bato para sa konstruksyon, pangunahin na ang silica, basalt, aggregates, limestone at marmol. Tulak ito ng malalaking proyektong pang-imprastrukturang kinontrata ng gubyerno, para sa kapakinabangan ng mga burukratang-kapitalista.
Ang pinakamalaking operasyon sa pagmimina sa Rizal ay hawak ng Rapid City Realty and Development Corporation, na ang presidente ay si Veronica Yñiguez. Mayroon itong siyam na erya ng operasyon na sumasaklaw sa kabuuang 2,952.51 ektarya, kalakhan sa bayan ng Teresa, pati na sa Baras at Antipolo. Naghuhukay ito pangunahin ng mga bato at buhangin.
Nariyan din ang Holcim Mining and Development Corporation na nagmina ng ginto sa 654.17 ektarya sa Antipolo, Rizal simula 2008, bagaman nakansela ang lisensya noong 2023. Pag-aari ito ni Renato Baja, na imbwelto rin sa iba pang mga kumpanya sa pagmimina.
Kabilang din ang sumusunod na kumpanya:
Kontraktor | Ektarya | May-ari |
---|---|---|
Rapid City Realty and Development Corporation | 2,952.51 | Veronica Iñeguez Lee, President |
Holcim Mining and Development Corporation (formerly Sulu Resources Devt. Corp.) | 654.17 | Renato Baja, President |
Quarry Rock Group, Inc. | 586.71 | Angelita I. Lee, President |
Quimson Limestone, Inc. | 358.76 | Jesusa Natividad L. Rojas, President |
Concrete Aggregates Corp. | 211.99 | Jose Emmanuel H. Jalandoni, Chair and President |
Republic Cement & Building Materials, Inc. | 191.15 | Lloyd A. Vicente, President |
Montalban Millex Aggregates Corp. | 175.69 | Igmidio D. Robles, President |
Island Quarry and Aggregates Corp. | 160.32 | Perry L. Pe, President |
Gozon Dev’T. Corporation | 159.13 | Atty. Felipe L. Gozon, President |
Teresa Marble Corporation | 134.66 | Annie G. Dee, President |
Asencio Pinzon Aggregate Corporation | 130.51 | Antonio Y. Pinzon, President |
Golden Ore Incorporated | 121.00 | Paterno C. De Guzman, President |
Roxanna S. Go | 114.52 | Roxanna S. Go, President |
San Rafael Development Corporation | 103.10 | Salim G. Massab, President |
ATN Holdings, Inc. | 82.71 | Arsenio T. Ng, President |
Hardrock Aggregates, Inc. | 45.00 | Alonzo C. Espanola, President |
Rolando B. Gimeno and La Concepcion Construction and Dev’t. Corp. | 32.50 | Rolando B. Gimeno / Peter M. Robles |