Mga lider-mangingisda sa La Union at Iloilo, ginipit at hinaras ng militar
Isang araw bago ang World Fisheries Day, iniulat ng mga samahan ng mangingisda sa La Union at Iloilo ang panggigipit ng mga pwersa ng estado laban sa kanilang mga lider. Pinuntahan ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at elemento ng Philippine National Police (PNP) ang bahay ng mga biktima at tinangka pang arestuhin ang isa.
Sa La Union, binulabog ng tatlong elemento ng 5th ID ang bahay ni George Cacayuran, ang tagpangulo ng Timek ken Namnama Dagiti Babassit a Mangngalap ti La Union (Timek)-Pamalakaya noong Nobyembre 20 ng umaga sa Barangay San Manuel Norte, Agoo. Sa ulat ng Timek, nagpakilala ang tatlo bilang “Fernandez,” “Cacal,” at “Beltran.” Iniulat rin ng grupo ang pagparada ng trak ng militar sa barangay hall ng San Manuel Norte.
Anito, hinanap sa komunidad si Cacayuran sa hindi sinabing dahilan. Nagtagal ang mga sundalo ng 5th ID mismo sa tapat ng bahay ni Cacayuran. “Bago nito, ilang beses nang binubulabog at pilit pinapa-‘surrender’ si Cacayuran. Biktima rin siya ng red-tagging,” pahayag ng Timek-Pamalakaya.
Sa Iloilo, sinugod ng mga elemento ng pulis at tinangkang arestuhin si Tay Victorino Vergara, higit 70 taong gulang na myembro ng Asosasyon sang Magagmay nga Mangingisda sa Santiago (AMMS), sa bayan ng Barotac Viejo sa araw ding iyon. Ayon sa mga pulis, kailangan niyang sumama sa kanila para “linisin ang kanyang pangalan.”
Nanindigan ang mga upisyal ng barangay laban sa balak ng mga pulis. Anila, walang sapat at malinaw na rason para sumama si Vergara sa kanila.
Sa pahayag ng Panay Alliance Karapatan, “nananatili ang banta kay [Vergara] at patuloy naming babantayan ang sitwasyon.” Ipinahayag pa ng grupo na hindi lamang si Vergara ang mangingisdang nakararanas ng panggigipit sa buong isla ng Panay dahil sa kanilang pagtataguyod sa karapatan sa malayang asosasyon.
Ang Barangay Santiago kung saan nakabase ang AMMS ay matagal nang nakapailalim sa pagkakampo ng militar ayon sa Panay Alliance Karapatan. “Dinaranas ng mga residente ang red-tagging ng mga tauhan ng militar at ng National Task Force-Elcac at ang mga lokal na lider ay pini-presyur pagparada “sumurrender” at “linisin ang kanilang pangalan.”