Mga lider-masa sa protesta noong Mayo Uno, kinasuhan ng "illegal assembly"
Binatikos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at mga grupo sa ilalim nito ang mga kasong isinampa laban sa kanilang mga lider kaugnay ng isinagawang demonstrasyon sa Maynila noon Mayo 1, Pandaidigang Araw ng Paggawa. Humarap ang mga lider sa Manila Prosecutor’s Office noong Mayo 26 kaugnay ng mga reklamo ng pulis.
Kabilang sa mga idinadawit ng pulis sa mga reklamo nito sina Renato Reyes Jr at Raymond Palatino ng Bayan, ang tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na si Jerome Adonis, at tagapangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) na si Mody Floranda. Kinasuhan sila ng “illegal assembly,” labag sa Batas Pambansa Blg. 880 o Public Assembly Act of 1985 na ipinasa sa panahon pa ng diktadurang Marcos Sr at panggugulo na labag naman sa Article 153 ng Revised Penal Code (Tumults and Other Disturbances of Public Order).
Ang martsa na nilahukan ng libu-libong masang anakpawis, sa pangunguna ng National Wage Coalition noong Mayo 1, ay sinalubong ng panunupil ng mga pulis. Sa kabila ng paggigiit ng mga raliyista sa kanilang karapatang magprotesta sa Mendiola, natulak silang magprograma sa interseksyon ng Nicanor Reyes at Recto Avenue dahil sa malaking bulto ng mga armadong pulis, barbed wire at mga trak ng bumbero na nakaharang.
Matapos ang nagkakaisang programa ng koalisyon, pinangunahan ng KMU, kasama ang AWU at Bagong Alyansang Makabayan, ang isang martsa patungo sa embahada ng US. Panawagan nila ang pagwawakas sa gerang agresyon ng US-Israel sa Iran na nagdulot ng walang-kapantay na krisis sa Pilipinas at buong mundo.
Ayon kay Reyes, pangulo ng Bayan, ang mga reklamong isinampa sa kanila ay panibarong porma ng panggigipit. Aniya, kinakasuhan ang mga tulad nilang lider para takutin ang karaniwang mamamayan at pigilan silang lumahok sa mga kilos protesta.
Pahayag ni Adonis, hindi ang mga manggagawa at mamamayan ang nagsimula ng kaguluhan sa protesta kundi ang mga pulis na nangharang sa mapayapa sanang martsa. Binatikos rin niya ang pagpupumilit ng mga pulis na dapat sa mga “freedom park” isagawa ang mga protesta, na malayo sa mga ahensya ng gubyerno.
Ipinaliwanag rin ng lider-manggagawa ang pagsusunog ng kanilang grupo ng isang effigy noong Mayo 1. Aniya, bahagi ng kanilang programa at karapatan sa pagpapahayag ang naturang aktibidad at iginiit na “walang bawal doon.”
“Ang malinaw na malinaw dito, gusto nila akamign patahimikin. Gusto nilang pigilan na marinig ng malawak na publiko ang aming mga panawagan. Kaya ginagawa ang mga panghaharas na tulad nito, na mga basurang kaso laban sa amin,” ayon kay Adonis.