Mga magsasaka sa Tarlac, inaagawan ng lupa ng mga Lorenzo

Aabot sa 96 na magsasaka ang hinarang at pilit itinaboy noong umaga ng Lunes, Oktubre 24, ng mga armadong maton ng St. Tropez Holdings Corporation, mula sa kanilang 154-ektaryang lupa sa Brgy. Balingcanaway, Tarlac City.

Ayon sa ulat ng Pokus Gitnang Luson Multimedia Network, ang naturang mga magsasaka ay kabilang sa Aniban ng Magsasaka Farmers Irrigators Association Inc. (ANIBAN). Noon pang 2009 pinagtatangkaang agawin ang kanilang lupa na binakuran at inangkin ng kumpanyang St. Tropez.

Ayon sa mga dokumento nito, ang St. Tropez ay pagmamay-ari ni Martin Ignacio P. Lorenzo. Pinamamahalaan din niya ang di bababa sa 18 iba pang negosyo, kabilang ang Central Azucarera de Tarlac (CAT).

Noong 2011, nagtagumpay ang mga magsasaka sa kanilang kaso laban sa St. Tropez at ipinag-utos ng korte na baklasin ng kumpanya ang itinayo nitong bakod paligid sa lupa. Pero noong 2018, 2020 at muli ngayong 2022, nagpapatuloy ang pagtatangka ng kumpanya na agawin ang lupa.

Ang panibagong armadong pagtataboy sa mga magsasaka sa gitna ng pagsisikap ng mga magsasaka na makabawi sa pagkawasak ng kanilang kabuhayan dahil sa bagyong Karding. Umaabot sa 70% ng ani ng mga magsasaka ng ANIBAN ang nalubog at nawasak sa baha matapos manalasa sa Central Luzon ang super bagyong Karding noong Setyembre 24.

“Wala nang sasahol pa sa sakuna ng St. Tropez. Sa bagyo may babalikan pa na lupa, sa St. Tropez, tanggal ang karapatang magbungkal! Pero kung walang laban sa bagyo, tuloy ang laban sa mga Lorenzo,” pahayag ni Angelina Thalla, tagapagsalita ng ANIBAN, alinsunod sa ulat.

Sa harap nito, nanindigan ang mga magsasaka sa kanilang paglaban. Nangako silang hindi hihinto para igiit ang kanilang makasaysayan at makatarungang karapatan sa lupa at karapatang magsaka.

AB: Mga magsasaka sa Tarlac, inaagawan ng lupa ng mga Lorenzo