Balita

Mga manggagawa ng 2 planta ng manok sa Pampanga, nagpiket laban sa iligal ng pagsasara

Nagtayo ng piket ang mga manggagawa ng SG Farms Processing Plant at Maximus Dressing Plant sa Barangay San Isidro, San Simon, Pampanga para labanan ang iligal nitong pagsasara sa nagdaang mga buwan. Ang pagkilos ay pinangunahan ng mga unyon na parehong nakapailalim sa pederasyong National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (NAFLU-KMU).

Noong Oktubre 8, itinayo ng mga manggagawa ng Maximus Employees Union (MEU) ang kanilang piket dahil sa biglaang pagsasara ng kumpanya. Idineklara ng Maximus ang pagsasara sa planta noong Hulyo 18, ilang araw matapos irehistro ng MEU ang kanilang unyon noong Hulyo 15. Naniniwala ang unyon na paraan ito ng Maximus para buwagin ang unyon at pigilan ang anumang kakayahan nito na kolektibong makipagtawaran at maggiit ng kanilang mga karapatan.

Higit dalawang linggo matapos itayo ang piketlayn, nag-anunsyo ang SG Farms na isasara nito ang katabing planta simula Nobyembre 29. Ang SG Farms ay isa sa mga nagsusuplay ng manok sa Jollibee at Wendy’s. Magkasama sa iisang compound ang dalawang planta at malaki ang hinala ng mga manggagawa na iisa lamang ang nagmamay-ari ng mga ito.

Bilang suporta, bumisita sa piketlayn ng mga manggagawa si Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan, noong Disyembre 2. “Makikita natin ang strategy ng management para sa union busting. Ibig sabihin, mas madaling idaan sa pagpapasara ng kumpanya at pagpapatayo ng bago kaysa ayusin nila ang kanilang pagpapatakbo sa planta at harapin at pakitunguhan ang bagong unyon ng mga manggagawa,” pahayag ni Adonis.

Ibinahagi ni Adonis na sa kanyang pakikipanayam sa mga manggagawa nasiwalat na nagpadala ng mensahe ang maneydsment ng SG Farms sa mga nakapiket “na magbubukas uli ang SG Farm kung tatanggalin ang kubol ng Maximus.” Lalo umanong pinatunayan ng mensaheng ito na pagbuwag sa unyon ang nasa ubod ng pagsasara sa mga planta.

Magkakaroon ng pagdinig ang MEU sa Disyembre 4 para harapin ang kapitalista ng Maximus. Igigiit dito ng unyon ang kanilang separation pay at pag-absorb sa kanila ng ahensya, at iba pang mga karapatan ng manggagawa. Sa kasalukuyan, pinatitibay ng mga manggagawa ang kanilang piket para tiyakin na walang mailalabas na makina mula sa dalawang planta.

Bahagi rin ng pagpapalakas ng piketlayn ang paglulunsad ng mga pag-aaral sa hanay ng mga myembro ng unyon at mga manggagawa. Noong Nobyembre 24, pinangunahan ng NAFLU-KMU ang pag-aaral sa piketlayn kasama ang mga boluntir mula sa pederasyon.

AB: Mga manggagawa ng 2 planta ng manok sa Pampanga, nagpiket laban sa iligal ng pagsasara