Balita

Mga manggagawa ng Robinsons Retail Holdings, Inc, wagi sa laban sa regularisasyon

Nagtagumpay ang mga kontraktwal na manggagawa ng Robinsons Retail Holdings, Inc. (RRHI), na mga kasapi ng Handyman Empowered Workers Union (HANEP), na igiit ang kanilang karapatan para maging regular matapos ang tatlong taong sama-samang pakikibaka. Nakapaloob ang atas sa kumpanya na gawin silang regular sa naging desisyon ni Labor Arbiter Remedios Tirad-Capinig na inilabas kamakailan.

Ayon sa desisyon, naipakita sa isinumiteng reklamo ng mga manggagawa na pumaloob ang RRHI sa ipinagbabawal na kasunduang “labor-only contracting.” Dahil dito, kinatigan niya ang inihaing kaso ng 83 manggagawa ng kumpanya at nag-atas ng regularisasyon, at pinatawan ang kumpanya ng moral and exemplary damages at pinagbabayad ng abugado para sa mga manggagawa.

Nagsimulang mag-unyon noong 2020 ang mga manggagawa ng RRHI, na nagtatrabaho sa warehouse ng mga business units nito na Handyman, True Value, at Robinsons Builders. Nagwelga sila noong Nobyembre ng taong iyon laban sa union busting. Humantong ang welga sa back-to-work sa loob ng warehouse, payroll reinstatement sa mga lider ng unyon, at pag-file ng kasong regularisasyon.

Ang kumpanyang RRHI ay pag-aari ng pamilyang Gokongwei. Naitala nito ang pinakamataas na netong benta noong 2022 na umabot sa ₱178.8 bilyon o 16.6% na mas mataas noong 2021. Sa taong iyon, mayroong kabuuang 2,310 tindahan ang kumpanya na kinabibilangan ng mga supermarket, department store, convenience store at iba pa. Mayroon din itong 2,151 prangkisa ng kanilang parmasya.

AB: Mga manggagawa ng Robinsons Retail Holdings, Inc, wagi sa laban sa regularisasyon