Naantalang mga benepisyo ng mga dyanitor sa PUP, iginiit

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagpiket ang mga dyanitor at kasapi ng Samahan ng Janitorial (SJ), mga kasapi ng Anakbayan at mga estudyante sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Santa Mesa, Manila noong Marso 13 para igiit ang naantalang mga benepisyo ng mga dyanitor mula sa Starcom Manpower Agency. Isinabay ang protesta sa dayalogo ng mga upisyal ng PUPSJ at kinatawan ng ahensya.

Noong nakaraang taon pa unang ipinabatid ng mga dyanitor ang kanilang hinaing sa mga upisyal ng PUP para iparating ng unibersidad ang kinakaharap nilang mga usapin sa ahensya ng paggawa. Hanggang ngayon, walang usad ang kanilang panawagan para sa naantalang benepisyo tulad ng insentibo, 13th month pay, retroactive pay, at kawalan ng transparency sa pagpapasahod sa kanila.

Sa ulat ng pahayagang The Catalyst, muling nabuksan ang dayalogo sa pagitan ng mga dyanitor at ahensya noong Enero 23. Gayunman, tatlong buwan makalipas ay pinapaikot-ikot lamang ang mga dyanitor sa mga pangako at sagot sa kanila na “ipaaabot” sa pamunuan ng ahensya ang kanilang hinaing.

Ayon kay Tatay Jun Jorda, tagapangulo ng unyong PUPSJ, dapat ay upisyal ng ahensya ang humarap sa kanila at hindi lamang kinatawan nito para magkaroon ng katiyakan at matuldukan ang dayalogo. “Palaging nabibitin kami sa sagot,” aniya.

Isa sa mga reklamo ng mga dyanitor ang hindi pare-pareho at hindi magkakatugmang pasahod sa kanila batay sa payslip na ibinibigay ng ahensya.

“Total payment lang kasi ang nakalagay. Hindi namin alam kung paano ipapaliwanag sa mga kasama namin kapag nagtatanong sila kung bakit ganito lamang ang nakukuha nila, kasi walang breakdown. Kaya ang gusto namin ay transparency lang ng isang taon kung kailan kami pumasok at magkano,” ayon kay Darwin Vista, SJPUP 2nd Vice President, sa panayam ng The Catalyst.

Sa paggigiit ng unyon, natulak ang StarcomM Agency na mangakong magbibigay ng breakdown ng retroactive pay na hinihingi ng mga manggagawa sa Marso 27. Lalamanin ito ang bilang ng araw na pinasok ng mga manggagawang janitorial at magkano ang eksaktong kita o bayad sa paggawa.

Samantala, ngayong Marso lamang ibinigay ang 13th month pay sa mga dyanitor matapos ang halos isang taong paggigiit. Gayunman, mayroong kapalit na kundisyon ang ahensya sa mga dyanitor na hindi sila magsasagawa ng kilos-protesta o anumang porma ng protesta gaya ng Oplan Paskilan.

Sa pagtatapos ng dayalogo, nangako ang StarcomM Agency na mabibigyang resolusyon lahat ng nailatag na kahingian ng mga dyanitor sa Marso. Kabilang dito ang usapin ng retroactive payslip, transparency at naantalang na mga benepisyo’t insentibo. Pumirma rin sa isang kasunduan ang mga dumalo sa dayalogo bilang patunay ng kanilang pagkakasundo at pagtupad sa mga binitawang inisyal na resolusyon.

“Nakailang hintay na tayo, kaya kung wala pa rin talagang solusyon pagkatapos natin sa dialogue na ito, nakahanda na kaming pumunta…sa [Department of] Labor and Employment. Alam niyo bang ma-delay lang ang bayad ng mga manggagawa namin, nangungutang na agad ‘yan sila, kaya hirap talaga,” pahayag ni Jorda.

Dumalo sa dayalogo ang kinatawan ng SJPUP, ilang upisyal ng PUP, mga upisyal ng StarcomM, kinatawan ng NAFLU-KMU, at mga kinatawan ng Anakbayan PUP at SAMASA PUP.

AB: Naantalang mga benepisyo ng mga dyanitor sa PUP, iginiit