Balita

Mga manggagawa sa Starbucks sa US, nakapagtayo ng halos 500 unyon

,

Patuloy na nadaragdagan ang mga unyon ng mga empleyado ng kumpanyang Starbucks sa US sa nagdaang mga buwan. Ayon sa Starbucks Workers United (SBWU), halos 500 na ang mga unyon nito na mayroong higit 10,500 kasapi sa 45 estado at distrito ng US. Ang Starbucks ay isang restoran na kilala sa pagbebenta ng maiinom na kape.

Naitayo ang unang unyon sa Starbucks sa US noong Disyembre 9, 2021 sa Buffalo, New York. Noo’y tinawag ang tagumpay bilang “mayor na pangyayari sa kasaysayan ng kilusan ng paggawa sa US.” Ito ay dahil mula nang magpahayag ng kagustuhang mag-unyon ang mga barista, walang tigil ang kumpanya sa mga maniobra para pigilan ito.

Sa kasalukuyan, mayroong tinatayang 381,000 empleyado ng Starbucks na nakakalat sa mga syudad ng US at maging sa ibang bahagi ng mundo. Hindi bababa sa 38,000 ang restoran nito sa buong mundo kung saan halos 18,000 dito ay sa US lamang.

Tuluy-tuloy ang kampanya ng SBWU sa pagtatayo ng mga unyon sa mga restoran ng Starbucks sa US at pagtatanggol sa karapatan ng mga karaniwang empleyado nito.

Noong Setyembre 20-22, inilunsad nito ang regular na aksyong masa na “Red for Bread” kung saan nagsagawa sila ng mga impormal na piket at pamomolyeto para ipaliwanag sa mga kostumer at nagdaraan ang kahalagahan ng pag-uunyon. Nasa ikatlong buwan na ang SBWU ng paglulunsad ng regular na koordinadong aksyong masa ng daan-daang mga empleyado nito.

Kasalukuyan ding nakikipagnegosasyon sa kapitalista ng Starbucks ang unyon para sa kanilang mga karapatan kabilang ang dagdag sahod, benepisyo, pag-iiskedyul ng trabaho at iba pa. Nag-umpisa ang negosasyon noong Abril 24 matapos ang ilang taong pagtanggi at sadyang pag-antala ng Starbucks na harapin ang SBWU.

AB: Mga manggagawa sa Starbucks sa US, nakapagtayo ng halos 500 unyon