Mga manggagawang pangkalusugan, tutol sa pagtatalaga kay Herbosa bilang kalihim sa kalusugan

,

Hindi sang-ayon ang mga manggagawang pangkalusugan sa ilalim ng Alliance of Health Workers (AHW) sa pagkakatalaga kay Teodoro “Ted” Herbosa bilang kalihim ng Department of Health (DOH). Anang grupo, isa itong “malinaw na manipestasyon ng lubhang kawalang malasakit ng pangulo sa buhay, kalusugan at kagalingan ng mga manggagawang pangkalusugan at mamamayan.”

Tandang-tanda pa umano ng mga manggagawang pangkalusugan ang papel ni Herbosa bilang undersecretary ng ahensya mula 2010 hanggang 2015 kung saan nabantog siya bilang “promotor ng mga proyektong Public-Private Partnership” sa Metro Manila at Southern Luzon. Malinaw umanong insulto ang pagtatalaga sa kanya sa mga mahihirap na pasyente at mga pampublikong ospital.

Nakilala din si Herbosa na nagtangkang ibenta ang Philippine Orthopedic Center, pagbuwag ng Fabella Hospital at pribatisasyon sa mga operasyon ng mga pampublikong ospital sa isang antas.

Naitalaga rin si Herbosa bilang tagapayo ng Inter-Agency Task Force (IATF) laban sa Covid-19 ng noo’y rehimeng Duterte. “Nasaksihan naming mga manggagawang pangkalusugan at ng buong bansa ang kanyang kapalpakan, kriminal na kapabayaan at kabiguan ng tugon ng gubyerno sa Covid-19,” ayon pa sa AHW.

Hindi rin umano gusto ng mga manggagwang pangkalusugan ng isang kalihim sa ahensya na bantog na red-tagger at naninira sa lehitimong pakikibaka ng mga unyon ng mga manggagawang pangkalusugan.

Sa isang pahayag ng AHW noong nakaraang taon, inilatag nito na dapat ang susunod na kalihim ng DOH ay “maka-mamamayan, maka-manggagawang pangkalusugan at nakikinig at tumutugon sa lehitimong mga isyu at hinaing ng mammaayan.” Dagdag pa nila, dapat din umanong may mahabang rekord ng maayos na pamumuno, may pananagutan at integridad at hindi sangkot sa kahit anong maanomalyang transaksyon sa gubyerno. Kaya naman, ganun na lamang ang kanilang pagkadismaya sa desisyong ilagay sa pwesto si Herbosa.

AB: Mga manggagawang pangkalusugan, tutol sa pagtatalaga kay Herbosa bilang kalihim sa kalusugan