Mga manggagawang Pilipino, umalma sa pagpapasara ng DND ng pabrika ng bakal sa MisOr
Kinwestyon ng mga Pilipinong manggagawa ang biglaang pagpapasara kamakailan ng Department of National Defense sa Philippine Sanjia-Steel Corporation sa Tagoloan, Misamis Oriental. Higit sa 300 manggagawang Pilipino ang nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng planta.
Sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission at the National Bureau of Investigation (NBI), katuwang ang AFP at PNP, ang pabrika noong Mayo 15. Sa reyd na ito, inaresto ng mga pulis ang 69 manggagawang Chinese sa alegasyong lumabag sila sa Labor Code ng bansa. Pinalaya ang 64 sa kanila dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Pinangunahan mismo ng kalihim ng DND na si Gilberto “Gibo” Teodoro Jr ang pagpapasara ng pabrika sa alegasyong gumagamit ito ng nukleyar at nakalalasong mga materyal, produksyon ng mahihinang produktong bakal at ugnay nito sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO dahil dati itong pagmamay-ari ng isang Tony Yang. Nakasara hanggang ngayon ang pabrika at ginagwardyahan ng mga sundalo.
Mariing pinabulaanan ng mga may-ari ng pabrika ang mga alegasyon at iginiit na dapat idaan sa tamang proseso ang mga alegasyon. Nag-alok itong kumuha ng mga ekspertong Japanese para patunayang istable ang kanilang mga produkto. Kinundena naman ng Chinese embassy ang anito’y brutal na pagturing at diskrminasyon ng militar at pulis sa mga manggagawa at inhinyerong mga Chinese na nagtatrabaho doon.
Alinsunod sa mga ulat, lumalabas na ang tunay na dahilan kung bakit ipinasara ang pabrika ay dahil katabi lamang ito (bakod lamang ang pagitan) ng itinatayo ng AFP na 300-ektaryang naval dry dock sa Macajalar Bay. Magsisilbing mayor na daungan at kumpunihan ng mga barkong pandigma ng Pilipinas at US ang naturang dry dock, laluna sa panahong pasisiklabin nito ang gera kontra China. Bentahe sa US ang lokasyon dahil malayo ito sa Luzon na madaling abutin ng atake ng China. Malayo rin ito sa iba pa nitong mga dry docks sa Zambales at Palawan.
Sa ngayon, ginagamit na ng US ang Lumbia Airport sa kalapit na syudad ng Cagayan de Oro, at ang pinakamalaking reserbasyong militar sa Camp Kibaritan sa Bukidnon. Liban sa dalawang pasilidad, mayroon ring pasilidad ang US sa kampo ng AFP sa loob ng Marawi City. Sa susunod na taon, sisimulan na rin nito ang konstruksyon ng fuel depot sa Davao Gulf.
Panawagan at sitwasyon ng mga manggagawa
Ang Philippine Sanjia-Steel Corporation ay nasa loob ng 3,000-ektaryang PHIVIDEC Industrial Estate, isang engklabo ng paggawa na direktang pinangangasiwaan ng DND. Gayunpaman, ayon kay Atty. Proculo Sarmen ng Federation of Free Workers, walang hurisdiksyon ang DND o NBI na ipasara ang pabrika dahil ang mga alegasyon laban dito ay nasa ilalim ng awtoridad ng Department of Labor and Employment.
Kinumpirma ni Beverly Musni, pangkalahatang kalihim ng Union of People’s Lawyers in Mindanao na lumapit na sa kanila ang ilang manggagawa para mabawi ang unpaid salaries at iba pang benepisyo. Maghahain sila ng kaso sa National Labor Relations Commission (NLRC) para igiit ito. Nanawagan din sila na muling buksan ang pabrika dahil ito ang kanilang pangunahing kabuhayan. Ang ilan sa kanila ay kumikita ng hanggang P30,000 kada buwan, na anila’y mahirap tapatan ng ibang trabaho.