Balita

Mga mangingisda, nagprotesta kontra sa komersyal na pangingisda sa municipal waters

Nagpiket ang mga mangingisda sa pangunguna ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) noong Enero 6 sa Department of Agriculture (DA) sa Quezon City. Tinuligsa nila ang naging hatol ng Korte Suprema na nagpahintulot sa komersyal na pangingisda sa loob ng municipal waters. Siningil din nila ang DA sa kabiguan nitong itaguyod ang karapatan ng maliliit na mangingisda.

Ayon sa Pamalakaya, nakabibingi ang katahimikan ng DA sa gitna ng malakas na ingay ng maliliit na mangingisda laban sa panghihimasok ng malalaking negosyo sa pangisdaan. Hindi na umano nakapagtataka dahil ang kalihim ng kagawaran na si Francisco Tiu-Laurel Jr ay makikinabang sa hatol na ito.

Si Tiu-Laurel Jr ay ang pangulo ng Frabelle Group of Companies na sangkot sa deep-sea fishing (pangingisda sa malalim na karagatan), aquaculture, pagdedelata, pagmamanupaktura ng pagkain, pagpuproseso, importasyon at pangangalakal ng pagkain, operasyon at konstruksyon sa mga daungan, real estate, at power generation (kuryente).

Hawak ng Frabelle ang 117 sasakyang pandagat na nangingisda ng tuna at sardinas. Si Tiu-Laurel Jr ay may personal ding interes sa reklamasyon sa Manila Bay bilang pangulo ng Bacoor Seafront Corp. at Diamond Export Corp.

Lumahok sa pagkilos ang mga kasapi ng Pamalakaya mula sa Manila Bay, La Union at Cebu. “Noon pa man, talamak na ang commercial fishing sa aming pangisdaan. Nalulusutan nila ang batas dahil sa 7-fathom provision ng Fisheries Code,” ayon kay George Cacayuran, presidente ng Timek ken Namnama dagiti Babassit a Mangalap ti La Union (TIMEK).

Aniya, tiyak na mas mamamayagpag pa ang mga ito dahil ginawa nang ligal ang kanilang pangingisda sa municipal waters. “Katiting na lamang ang matitira sa aming maliliit na mangingisda,” pagdidiin ni Cacayuran.

AB: Mga mangingisda, nagprotesta kontra sa komersyal na pangingisda sa municipal waters