Mga mangingisda sa Navotas City, muling nagpiket kontra demolisyon
Muling nagpiket ang mga mangingisda ng Navotas City sa ilalim ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)-Navotas noong Setyembre 25 sa Navotas Regional Trial Court (RTC) kasabay ng pagdinig ng korte sa kanilang petisyon laban sa demolisyon ng lokal na gubyerno sa kanilang mga tahungan at baklad. Isinampa ng 400 petisyuner ang naturang petisyon noong Hunyo 14 para maglabas ang korte ng writ of preliminary injunction at temporary restraining order (TRO) laban sa demolisyon.
Libu-libong mga mangingisda, manggagawa at manininda sa syudad ang nawalan ng kabuhayan dahil sa demolisyon sa daan-daang tahungan sa baybayin sa Navotas City. Nagsimula ang demolisyon noong Marso 16, saklaw ang mahigit anim na kilometrong haba at tatlong kilometrong lapad ng tahungan.
Naniniwala ang mga residente na walang katotohanan ang sinasabi ng lokal na gubyerno na batay sa Supreme Court mandamus noong 2008 na nag-utos sa paglilinis ng Manila Bay ang pagbabaklas sa kanilang mga tahungan at baklad. Anila, malinaw na para ito sa 650-ektaryang Navotas Bay Reclamation Project na itinutulak ng lokal na gubyerno at kasosyo nitong Argonbay Construction Company. Ang Argonbay ay subsidyaryo ng San Miguel Corporation na pag-aari ni Ramon Ang.
Sa petisyon, hiniling din ng mga residente sa korte na ibalik ng lokal na gubyerno ang mga dinemolis nitong mga tahungan.
Isa ang Navotas Bay Reclamation Project sa 22 proyektong reklamasyon sa Manila Bay. Sa datos ng Philippine Reclamation Authority (PRA) noong 2023, mayroong 187 kasalukuyang umiiral at aprubadong mga proyektong reklamasyon sa buong bansa.