Mga martir ng Cauayan, binigyang parangal
Pinarangalan at pinagpugayan ng mga kaibigan, kakilala, kasama at ng iba’t ibang sektor ang limang Pulang mandirigma sa isang programa ng pagpaparangal ang isinagawa ng mga progresibong grupo sa University of the Philipppnes (UP)-Cebu sa Cebu City noong Mayo 24. Ang lima ay kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr Command) na namartir noong Mayo 16 sa Barangay Abaca, Cauayan, Negros Occidental.
Ang limang martir ay sina Vince Francis Dingding (Ka Poy/Moymoy), kalihim ng komite ng Partido sa larangan, si Rolando Dantes Jr. (Ka Anyo), kumander ng BHB-Southwest Negros, at sina Jobert Casipong (Ka Robi), Gilbert Tingson (Ka Kolintong/Ka Downy), at Alex Languita (Ka Kaya). Si Dingding ay gradweyt ng UP Cebu sa kursong BS Computer Science at lider-estudyante noong nasa unibersidad.
Ang parangal na may temang “#DINGPANGKARANIWAN: Paghandum sa Kinabuhi ug Pakigbisog sa Cauayan 5” ay pinangunahan ng UP Cebu University Student Council (UPC USC), mga alumni at iba pang myembro ng komunidad. Nagkaroon ng misa, mga talumpati, at kultural na pagtatanghal sa programa. Binasa rin sa pagtitipon ang ilang tula ni Dingding na naglarawan ng kanyang mahusay at matatag na dedikasyon sa paglilingkod sa masang magsasaka at anakpawis.
Kabilang sa ma nagbigay ng mensahe si Myles Albasin, isang dating bilanggong pulitikal at karelasyon ni Dingding. Aniya, si Dingding ay isang pwersang hindi kayang ikulong ng mundo. “Kitang-kita ito sa mga mensahe mula sa bawat taong nagsalita ngayon at sa mga post na lumalabas sa social media. Hindi ka kailanman naging karaniwan, bai…” pagbabahagi ni Albasin.
Pagkilala sa mga ‘di pangkaraniwan
Itinuring ng BHB-Negros Island (Apolinario Gatmaitan Command) ang pagkamartir ng lima bilang mas mabigat pa sa Mt. Kanlaon. Inihandog nito at ng buong rebolusyonaryong kilusan sa isla ang pinakamataas na pagsaludo sa limang matatapang na Pulang mandirigma na nag-alay ng kanilang buhay para sa adhikain ng pagpapalaya sa masang Negrosanon mula sa malubhang pagsasamantala at pang-aapi. Bilang pagpaparangal, isinalaysay ng BHB-Negros Island ang mga tungkuling ginampanan ng limang martir.
Si Dingding, 30 taong gulang, ay nagmula sa isang pamilya ng mababang petiburgesya sa Cebu City. Nakapagtapos siya sa kursong BS Computer Science sa UP Cebu kung saan siya naging isang lider-estudyante at aktibista. Nasangkot siya sa mga pakikibaka para sa demokratikong karapatan ng kabataang-estudyante, nakisalamuha at nakiisa sa mga komunidad ng mahihirap at niyakap ang pambansa-demokratikong pakikibaka ng sambayanan.
Noong 2018, nilisan niya ang trabaho sa isang kumpanya sa sektor ng teknolohiya at nagpasayang pumasok sa isang yunit ng BHB sa isla ng Negros. Dalawang buwan makalipas ang pakikipamuhay sa Pulang hukbo, nagpasya si Dingding na magpultaym bilang mandirigma. Ayon sa BHB-Negros Island, nakabuo si Dingding ng “malalalim at hindi matitibag na ugnayan sa masa” laluna sa mga magsasaka at kabataan.
Sa loob ng BHB, gumampan siya bilang giyang pampulitika noong 2018 at kalaunan ay naging bahagi ng pamunuan ng Regional Sentro de Grabidad (RSDG) ng hukbo. Bilang myembro ng Partido, naging bahagi siya ng komite sa larangan noong 2018 dahil sa kanyang husay sa gawain sa ideolohiya at pulitika. Kalaunan ay nagsilbi siyang ikalawang kalihim ng komiteng larangan sa Southeast Negros at noong 2025 at naging kalihim ng komite ng Partido sa South Central Negros. Huli siyang gumampan bilang kalihim ng komite ng larangan sa Southwest Negros.
Si Dantes Jr, 39 taong gulang, ang kumander ng BHB-Southwest Negros. Ipinanganak siya sa isang pamilya ng mga magsasaka. Unang lumahok si Dantes Jr sa isang lokal na grupo sa kulutura kung saan siya namulat sa kalagayan ng lipunan. Naging myembro siya ng Kabataang Makabayan (KM) kung saan nag-organisa siya ng kapwa kabataan amit ang musika at sining. Kalaunan ay sumapi siya sa BHB. Sa loob ng dalawang dekadang pagsisilbi sa hukbong bayan, nagsimula siya sa pamumuno sa isang maliit na tim hanggang sa pagsisilbing kumander ng isang platun ng mga Pulang mandirigma.
Si Casipong, pinakabata sa lima sa edad na 23 taong gulang, ay naging myembro ng BHB noong 2021. Gumampan siya ng tungkulin bilang upisyal sa medikal ng iskwad at paminsan ay tim lider. Nagpahinga siya sa serbisyo noong 2023 dahil sa pisikal at sikolohikal na epekto ng tindi ng gerang inilulunsad ng AFP. Sa kanyang buhay sibilyan, tinarget siya ng pasistang atake ng AFP at pilit pinasusuko. Sa pagtangging magtaksil sa rebolusyonaryong kilusan, muling tinahak ni Casipong ang landas ng armadong pakikibaka.
Si Tingson ay nagmula sa uring mayamang magsasaka. Mula sa mas mataas na antas ng kanyang pamumuhay ay nasaksihan niya ang dinaranas na pang-aapi ng mga mahihirap at nagpasyang sumapi sa hukbong bayan. Una siyang naglingkod bilang myembro ng yunit milisya sa lokalidad at sa panahong iyon ay nahuli ng pasistang pwersa. Sa kanyang paglaya, agad siyang nagpultaym sa BHB. Sa hukbong bayan, tumangan siya ng gawain sa pinansya at lohistika sa yunit at kalaunan ay namuno sa isang tim ng Pulang mandirigma. Naging bahagi rin siya ng espesyalsadong yunit para sa pambasabog at gawaing demolisyon ng hukbo laban sa kaaway.
Si Languita, 25 taong gulang, ay nagmula sa Sta. Catalina, Negros Oriental. Ang ama niyang magsasaka ay naging biktima ng pasitang Synchronized Enhanced Managing of Police Operations (SEMPO) o Oplan Sauron ng armadong pwersa ng gubyerno noong Marso 2019. Sa BHB niya nakita ang landas ng pakakamit ng hustisya para sa kanyang ama at sa iba pang pinaslang ng militar. Nagsilbi siang tim lider sa loob ng BHB-Southwest Negros.
Nangako ang BHB-Negros Island na kakamtin ang hustisya para sa limang namartir na Pulang mandirigma at ipagpapatuloy ang kanilang adhikain. “Ang ganap na tagumpay ng ating digmang bayan ay nakasalalay sa kolektibong lakas ng mga Pulang mandirigma na nagtataglay ng kaparehong rebolusyonaryong sigasig at di matitinag na diwa ng ating mga martir,” ayon kay Ka Maoche Legislador, tagapagsalita ng panrehiyong kumand.