Mga mersenaryong imbwelto sa pagmasaker sa Sagay 9, pinarusahan ng BHB-Northern Negros
Magkakasabay na armadong aksyon ang inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros laban sa mersenaryong Sarona Group noong Enero 2 sa bayan ng Purok Kawayan, Barangay Bug-ang, Toboso, Negros Occidental. Imbwelto ang Sarona Group sa pagmasaker sa tinaguriang Sagay 9 (o ng siyam na magtutubo) noong Oktubre 20, 2018 sa Barangay Bulanon, Sagay City. Ang grupo ay bayaran at suportado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at malalaking kumprador-panginoong maylupa at asendero sa isla.
Inambus at napatay ng BHB ang lider ng grupo na si Juvie Sarona. Pinaralisa at sinunog din ang traktorang pag-aari ng ama niya. Nakumpiska naman sa bahay ng mga Sarona ang isang M2 Carbine, isang .45 Colt, isang .357 revolver, isang shotgun, samu’t saring mga magasin at bala. Kinumpiska rin ang kanilang gadyet na may laman na mahahalagang impormasyon.
Sangkot din ang grupo sa pangangamkam ng lupa gamit ang sistemang aryendo. Hindi makapaggiit ang mga magsasaka laban sa mga Sarona dahil sa takot sa mga maton nito. Mayroong mga kaso ng sapilitang pagputol sa mga puno sa sakahan, at pagbubunot ng mga tanim na saging. Naitala rin ang kaso ng pamamaril ng grupo sa kalabaw ng isang magsasaka. Malupit din ang mga Sarona sa kanilang manggagawa at bantog na hindi nagpapasahod nang maayos.
Labis ang takot ng mga komunidad na naninirahan sa palibot ng lupaing kontrol ng Sarona Group dahil ipinaiilalim sila sa mga pagbabanta at panggigipit.
Ipinagdiwang ng masa ng Northern Negros ang pagpaparusa sa mga Sarona dahil nabigyang hustisya ang pang-aapi at pagsasamantalang kanilang sinapit sa kamay ng mga ito.
“Nang may panibagong lakas at determinasyon sa pagbubukas ng bagong taon ng ating pakikibaka laban sa pang-aapi at pagsasamanala, inilunsad ng BHB-Northern Negros ang pamamarusa,” ayon kay Ka Cecil Estrella, tagapagsalita ng yunit.
Pinasalamatan din ni Ka Cecil ang mga magsasaka at masang tumulong sa armadong aksyon at patuloy na pagsuporta nito sa hukbong bayan.