Mga Pilipino, muling nagprotesta sa embahada ng Israel

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagmartsa at nagprotesta ngayong araw, Hunyo 8, ang iba’t ibang mga grupo at sektor tungong embahada ng Israel sa Taguig City sa Metro Manila para batikusin ang Zionistang estado nito sa nagpapatuloy na henosidyo sa mga Palestino. Ginunita nila ang ika-8 buwan, mula Oktubre 7, 2023, nang pinatindi ng Israel, sa suporta ng US, ang pag-atake at pambobomba nito sa Gaza Strip sa Palestine. Pinangunahan ang pagkilos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Sa tala noong Hunyo 7, umabot na sa 36,731 katao ang pinaslang ng Israel. Kabilang sa mga napaslang ang higit 100 mamamahayag, karamihan mga Palestino. Hindi bababa sa 15,500 sa mga biktima ay mga bata.

Nasugatan naman sa mga pambobomba at pag-atake ng Israel ang higit 83,500 Palestino. Naitalang nawawala ang 10,000 katao hanggang sa kasalukuyan na posibleng nalibing sa mga gumuhong gusali.

Higit kalahati sa mga kabahayan sa Gaza ay nawasak o nasira sa mga pag-atake. Tinatayang 80% ng mga komersyal na pasilidad ay nawasak at 86% ng mga eskwelahan dito ang nasira. Sa 35 ospital, 14 na lamang ang bahagyang nagagamit pa para asikasuhin ang mga nasusugatan mula sa pag-atake ng Israel.

Kulang na kulang sa pagkain at tubig ng mga nasa Gaza. Umabot sa 83% ng mga balon ng tubig dito ay hindi na magamit. Pinipigilan ng Israel ang pagpasok ng makataong ayuda at suporta para sa mga biktima.

Ang aabot sa 1.5 milyong Palestino ng buong 2.3 milyong populasyon ng Gaza ay lumikas tungo sa Rafah, timog na bahagi ng Gaza na idineklara mismo ng Israel bialng “ligtas na mga sona.” Sa kabila nito, sunud-sunod na pag-atake at pambobomba, na sumira at sumunog sa mga tent camp, ang inilunsad ng Israel sa Rafah noong huling linggo ng Mayo. Sa kasalukuyan, wala nang ligtas na lugar sa Gaza Strip.

Kabi-kabila na ang panawgan sa buong mundo para itigil ng Israel ang pag-atake sa mga Palestino. “Sa kabila nito, nagpapatuloy ang Israel sa pagmasaker, at patuloy naman ang pagpopondo ng US sa henosidyo. May pananagutan sila sa isa sa pinakamatitinding mga sakuna sa siglong ito,” pahayag ng Bayan. Giit pa nila, “tama na, sobra na!”

AB: Mga Pilipino, muling nagprotesta sa embahada ng Israel