Mga post na nagpaparangal kay Ka Joma, sinensor ng Facebook
Kabi-kabila ang pagkundena ng mga indibidwal at organisasyon sa pagsensor ng Facebook ng kanilang mga post kaugnay sa pagkamatay ni Ka Jose Maria Sison. Walang pakundangang pinagtatanggal ng Facebook ang mga post at pahinang naglalaman ng pakikiramay, tula, parangal, bidyo at mga larawan ng yumaong pangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas. Namatay si Ka Joma sa sakit sa isang ospital sa The Netherlands noong Disyembre 16.
Isa sa mga sinensor ay ang pahina ng Bagong Alyansang Makabayan. Mariing kinundena ng grupo ang anito’y “automated censorship” ng Facebook na tinawag nitong “pamumulis sa internet kasabwat ang mga troll ng estado at mga awtoritaryang rehimen.”
“Ang paulit-ulit na pagtatanggal ng mga post na nagpaparangal sa pamana ni Sison…ay sumasalamin sa sistematikong pagtatangka ng mga pinondohan ng estado na mga troll para burahin ang anumang hibo ng paglaban online,” ayon sa grupo. “Ibinubunyag din nito ang kunwa’y community standards ng Facebook na arbitraryong ginagamit para patahimikin ang mga aktibista at rebolusyonaryo.”
Kabilang si Sison sa listahang Dangerous Organizations and Individuals, isang listahang binuo ng Facebook katuwang ang Atlantic Council na tinatauhan ng mga operatiba ng CIA ng US. Liban sa kanya, nasa listahang ito ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan.
Sa pag-search pa lamang ng buong pangalan ni Ka Joma, at ng PKP at BHB, agad nang nagbababala ang Facebook sa sinumang naghahanap ng impormasyon na ang “terminong hinahanap” ay isang “mapanganib” na tao o grupo. Sa “implementing rules” ng “community standards” ng Facebook, awtomatiko ang pagsensor sa lahat ng post, impormasyon, komentaryo, opinyon at reaksyon sa mga nasa listahang DOI liban kung ito ay “simpleng pagbabalita,” “pagtutuwid” (ibig sabihin, pagtuligsa) o “negatibo.” Sa gayon, hindi kataka-taka na hindi tinatanggal ng Facebook ang lahat ng maling impormasyon at paninira kay Ka Joma, gayundin sa PKP at BHB, sa platform nito.
Walang anumang apela o pagpaparekonsidera ang makapagbabago ng arbitraryong patakaran na ito, liban na lamang kung pahihintulutan ito ng gubyerno ng US para sa sariling kapakinabangan. Isang halimbawa ng pagpayag ng Facebook sa mga post na pumupuri sa Azov Battalion, kahit pa nasa listahan pa rin ito ng DOI. Ang Azov Battalion ay isang tinaguriang “neo-Nazistang mersenaryong armadong grupo” sa Ukraine na nakapaloob ngayon sa armadong pwersa ng papet ng US na si Zelensky.