Mga sibilyan, pinaputukan ng 37th IB; isa, napatay

,

Pinaulanan ng bala ng mga sundalo ng 37th IB ang apat na sibilyan, kabilang ang dalawang menor-de-edad, sa Sityo 27, Barangay Sangay, Kalamansig, Sultan Kudarat noong Pebrero 27, isang tahasang krimen at paglabag sa internasyunal na makataong batas. Para pagtakpan ang kanilang krimen, pinalabas ng AFP sa masmidya na mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang kanilang inatake, bagay na mariing pinabulaanan ng lokal na kumand ng BHB. Pinalalabas pang nakakumpiska ng ripleng M14 at karbin sa pinangyarihan ng insidente.

Ang grupo ng mga sibilyan ay pauwi na mula sa pangangaso para sa kanilang pagkain nang atakehin ng mga sundalo. Sa salaysay ng isa sa mga biktima, naglalakad sila sa isang mayor na daanan papunta sa mga kabahayan bandang 7:28 ng gabi nang bigla na lamang silang paulanan ng mga bala ng mga sundalo ng 37th IB.

Kinilala ang mga biktima na sina Nasyon Gantangan, 30 taong gulang at may tatlong anak; Epin Dasol, at dalawang menor-de-edad na sina Waldo Lunon (16) at Verano Matilak (15). Napatay sa pamamaril si Gantangan habang nasugatan si Dasol.

Nakasigaw pa si Gantangan ng “Sibilyan ni!” (Sibilyan kami!) bago siya mapatay. Sa kabila nito, nagpatuloy sa pagpapaputok ang tropang militar hanggang umaga.

Ayon sa pamilya ni Gantangan, sobrang daming bala ang tumama sa kanyang katawan na halos mahati ito. Nagdulot ang pangyayari ng labis na pighati sa buntis na asawa ni Gantangan na naging dahilan ng pagkalaglag ng bata. Dulot ng troma, ang dalawang menor-de-edad ay madalas na dumanas ng panginginig at takot na lumabas sa kanilang bahay.

Naiulat din na niransak at pinasok ng mga sundalo ang mga bahay ng sibilyan.

Labag ang mga ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL. Nilabag nito ang Ika-4 na Bahagi, Artikulo 4, Numero 4 ng CARHRIHL: “Ang sibilyang populasyon at mga sibilyan ay itatrato bilang sibilyan at ipag-iiba sa mga mandirigma at, kasama ang kanilang ari-arian, ay hindi maaaring atakihin.”

Kinundena ng BHB-Sultan Kudarat ang naturang insidente at brutalidad ng tropa ng 37th IB. “Ang karumal-dumal na krimeng ito ay hindi na bago sa mersenaryo at pasistang AFP,” ayon sa yunit.

Dagdag umano ito sa listahan ng mga dating krimen at paglabag sa internasyunal na makataong batas ng 37th IB. Kabilang dito ang pagpatay sa dalawang sibilyan sa Barangay Santa Clara sa Kalamansig noong Setyembre 2020. Noong Hulyo 2022, pinatay ng 7th IB si Kalesa Langgaw noong Sityo Matingaw, Barangay Baluan, Senator Ninoy Aquino.

Pahayag ng BHB-Sultan Kudarat, “ito ay ilan lamang sa napakaraming krimen ng militar laban sa mamamayan.”

AB: Mga sibilyan, pinaputukan ng 37th IB; isa, napatay