Balita

Mga simbahan sa Canada, sumuporta sa panawagang muling buksan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP

,

Nagpahayag ng suporta ang mga taong simbahan sa Canada sa panawagan para sa muling pagbubukas sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Nagpadala sila ng sulat noong Oktubre 1 sa punong ministro ng Canada na si Justice Trudeau para hikayatin ang gubyernong Canadian na suportahan ang usapan. Inaasahan nilang ipaaabot ito ni Trudeau kay Ferdinand Marcos Jr sa kanyang pagbisita sa Canada sa huling bahagi ng taon.

Sa kanilang sulat, hinimok ng mga simbahang Canadian si Trudeau at ang gubyernong Canadian na:

1) hayagang suportahan ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan at ipanawagan sa gubyernong Pilipino na itigil nito ang mga patakaran at estratehiyang kontra-insurhensya
2) gumawa ng mga diplomatikong hakbang para mamagitan sa dayalogo tungo sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan
3) gumawa ng mga hakbang para tiyakin na prayoridad ng Canada ang karapatang-tao. Tungo rito,

a) gumawa ng pagtutuos sa ibinibigay ng Canada na suportang pampinansya, programatic at teknikal sa gubyerno ng Pilipinas
b) itigil ang negosasyon para sa Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA)
c) suspendihin ang memorandum of understanding kaugnay sa Enhanced Defense Cooperation

Nakapirma sa sulat ang mga lider simbahan mula sa United Church of Canada, Anglican Church of Canada, KAIROS: Canadian Ecumenical Justice Initiatives, The Evangelical Church in Canada, Development and Peace – Caritas Canada, The Presbyterian Church in Canada and The Philippine Independent Church Eastern Canada-Tampa Diocese.

Ang sulat ay pakikiisa ng mga simbahan sa panawagan ng National Council of Churches in the Philippines para suportahan ang usapang pangkapayapaan. Nakiisa rin ang nabanggit na mga simbahan sa ipinanawagan ng NCCP na International Ecumenical/Interfaith Day of Prayer for JustPeace in the Philippines para sa isang buwang pagdarasal mula Setyembre 1.

AB: Mga simbahan sa Canada, sumuporta sa panawagang muling buksan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP