Mga upisyal na sangkot sa korapsyon sa DepEd, pinakakasuhan
Inirekomenda ng Senado kahapon ang pagsasampa ng kasong korapsyon laban kay Christopher Lloyd Lao, dating upisyal ng Department of Budget at tauhan ng espesyal na assistant ni Rodrigo Duterte, sa kanyang papel sa korapsyon sa Department of Education. Si Lao ngayon ay upisyal sa upisina ni Sen. Bong Go, malapit na tauhan ni Duterte.
Itinuro si Lao na salarin sa pagbili ng sobrang pinatungang presyong mga laptop para sa mga guro noong nagsilbi siyang pinuno ng Procurement Service ng Department of Budget and Management sa ilalim ng rehimeng Duterte. Unang nakilala si Lao sa pagkakasangkot sa pagbili naman ng sobrang pinresyuhang face mask at PPE kasabwat ang kumpanyang Pharmally noong 2021.
Liban sa kanya, pinakakasuhan din ang dalawa pa niyang kasabwat na dating upisyal ng DBM at apat na dating upisyal ng DepEd.
Rekomendasyon din ng Senado na buwagin na ang Procurement Service ng DBM at ibalik sa mga ahensya ng estado ang procurement ng kanilang mga pangangailangan.
Sa ulat ng Commission on Audit, sobra nang ₱979 ang presyo ng biniling mga laptop noong 2021. Imbes na asikasuhin ng DepEd, ipinaubaya ng ahensya ang pagbili sa DBM at kay Lao.
Suportado ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang rekomendasyon ng Senado, ang pagbawi sa kinurakot na halaga at ilaan ito pansuporta sa mga guro.
“Mula nang ibinunyag ng COA ang anomalya, panawagan na namin ang pagpapanagot…dahil malaking inhustisya ito sa mga gurong napilitang mangutang para makabili lamang ng laptop,” ayon sa ACT. Nanawagan ang grupo na ungkatin rin ang iba pang mga anomalya sa paggamit ng pampublikong pondo at pagbibigay ng sapat na atensyon sa mga pangangailangan ng mga guro.