Balita

AFP, naglustay ng pondo ng bayan sa paghuhulog ng mga polyeto gamit ang helikopter sa Aurora

,

Naghulog ng 1,000 polyeto ang 7th ID at Philippine Air Force sa Barangay Galintuja, Maria Aurora, Aurora at sa Barangay Lub-lub, Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya noong Marso 28 kasabay ng inilunsad nitong “aerial reconnaissance” gamit ang Black Hawk na helikopter ng militar. Katulad ito ng inutil na taktika ng iba pang mga yunit ng AFP sa nagdaan para hikayatin na sumuko ang mga Pulang mandirigma. Karaniwan silang naghuhulog ng polyeto sa mga kagubatan.

Gumagastos nang hindi bababa sa ₱220,000 kada oras ang isang Black Hawk para sa gasolina, at dagdag na hanggang ₱110,000 para sa kagamitan para sa refuelling kada yunit. Kung tutuusin, ₱300 kada polyeto ang ginastos ng AFP para sa pamamahagi nito.

Sa ulat ng militar, nilaman ng polyeto ang kanilang panawagan sa hukbong bayan na sumuko at pumailalim sa bogus na programa nitong Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Inihulog nila ang polyeto sa Barangay Galintuja kasunod ng engkwentro ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Luzon sa pinagsanib na pwersa ng 84th IB at 91st IB noong Marso 22. Nauna nang inilinaw ng hukbong bayan na pawang kasinungalingan ang ipinakakalat ng militar na mayroong kaswalti sa hanay ng BHB.

“Habang tila sirang-plakang paulit-ulit na inihahayag ng AFP na pupulbusin nila ang BHB sa katapusan ng Marso, paulit-ulit din silang napapahiya sa bawat engkwentro. Wala ni isang nasugatan sa hanay ng hukbong bayan sa naganap na engkwentro sa Barangay Galintuja, Aurora noong Marso 22,” pahayag ng BHB-Central Luzon.

Iniulat ng mga Pulang mandirigma na hindi bababa sa tatlo ang kaswalti sa hanay ng umatakeng mga sundalo. Ang yunit ng BHB sa naturang bayan ay nagsasagawa ng konsultasyon sa masang magsasaka kaugnay ng palpak na proyektong pang-agrikultura at pangsuporta sa magsasaka ng lokal na gubyerno.

AB: AFP, naglustay ng pondo ng bayan sa paghuhulog ng mga polyeto gamit ang helikopter sa Aurora