Marcos, kinutya sa panawagang magbayad ng buwis

,

Kaliwa’t kanang pangungutya ang sumalubong sa panawagan ni Ferdinand Marcos Jr sa mamamayan noong Pebrero 7 na magbayad sila ng tamang buwis sa takdang panahon.

“Walang moral ascendancy” (wala sa katayuang moral) ang bwelta sa kanya ng maraming Pilipino dahil sa di pagbabayad ng kanyang pamilya ng estate tax na nasa ₱203.819 bilyon noong 2022. Lumabas noong Marso 2022 sa kasagsagan ng kampanyang eleksyon na tumatanggi ang pamilyang Marcos na bayaran ito. Ang desisyong singilin ang mga Marcos sa buwis na ito ay ipininal ng Korte Suprema noong 2004.

Noong Marso 2022, kinumpirma ng noo’y kalihim ng Department of Finance sa ilalim ng rehimeng Duterte na si Carlos Dominguez na hindi pa binabayaran ng mga Marcos ang utang na buwis. Noong Hunyo 2022, sinabi ng noo’y hepe ng Bureau of Internal Revenue na si Lilia Guillermo na “mandato” ng ahensya na singilin ang mga Marcos dahil mayroon nang hatol ang korte. Ilang panahon matapos niya ito ipinahayag, sinipa siya ni Marcos sa pwesto. Ipinalit sa kanya si Romeo Lumagui Jr, isang abugadong dating nagtrabaho sa law firm ni First Lady Liza Araneta-Marcos.

Umani rin ng batikos ang pahayag ni Marcos na “hahabulin” niya ang mga tax evader. Lumobo tungong ₱203 bilyon ang utang na buwis ng mga Marcos, mula sa ₱23 bilyon, dahil sa mga multang ipinataw ng gubyerno. Noon pang 1997 unang inilabas ng Korte Suprema ang kautusang dapat magbayad ng estate tax ang mga tagapagmana ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

“Matagal nang nagdesisyon ang Korte Suprema sa usapin ng estate tax ng pamilya Marcos at dapat na nila itong bayaran,” ayon pa kay House Deputy Minority Leader at ACT Rep. France Castro sa kanyang pahayag noong Pebrero 8. Hirap na nga ang mamamamyan sa pagbabayad ng tamang buwis mula sa ipinapataw sa mga bilihin, singil sa mga yutilidad, income tax at iba. Ang kailangan nila ay pansamantalang pahinga sa buwis, aniya. “Tanggalin muna ang mga buwis tulad ng excise tax at value added tax (VAT) sa langis at VAT sa basic commodities,” ayon sa kongresista.

Makatutulong nang malaki sa pagpapaliit sa depisit sa badyet kung babayaran ng mga Marcos ang kanilang utang na buwis. Maari rin itong ipambayad sa utang ng bansa na lumobo na tungong ₱13 trilyon.

AB: Marcos, kinutya sa panawagang magbayad ng buwis