Balita

Mga upisyal ng AFP, kontra sa pagpapalaya sa mga konsultant ng NDFP

, ,

Ilang araw matapos magkahiwalay na inianunsyo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) ang pagpirma ng kanilang mga kinatawan sa Oslo Joint Statement, sunud-sunod ang bwelta ng mga upisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga retiradong heneral na nasa gabinete ng rehimeng Marcos laban sa mga mungkahi ng NDFP na palayain ang mga konsultant nito, pagtatanggal sa “teroristang” designasyon at iba pang praktikal na usapin.

Lantarang kinontra ni National Security Adviser Ret. Gen. Eduardo Año ang mungkahi ng NDFP at mga demokratikong organisasyon na palayain ang mga nakabilanggong konsultant ng NDFP at iba pang bilanggong pulitikal kaugnay ng muling pagbubukas ng negosasyong kapayapaan.

Iginiit rin niya na mananatili ang “teroristang designasyon” laban sa NDFP, sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), at Bagong Hukbong Bayan (BHB) hanggang makamtan ang isang tinatawag nitong “pinal na kasunduang pangkapayapaan.”

Wala rin umanong dahilan para sa suspensyon sa mga operasyong militar at tigil-putukan sa darating na kapaskuhan. Ganito rin ang tono ng AFP kung saan idiniin ni Gen. Romeo Brawner na magpapatuloy ang “operational tempo” nito kontra sa BHB, na karaniwang nangangahulugan ng tahasang pag-atake sa mga sibilyang magsasaka sa kanayunan.

Samantala, sinabi naman ni Ret. Gen. Carlito G. Galvez Jr, tagapayo sa kapayapaan ng rehimeng Marcos, na “hindi dapat magtakda ng mga pre-kundisyon” na sinabi nitong makasasagka sa pag-usad ng usapang pangkapayapaan.

Nauna nang inilinaw ng lupon sa negosasyon ng NDFP na ang kanilang mga mungkahi at isyung inihahapag ay hindi mga “pre-kundisyon,” katawagang ipinagpipilitan ng mga upisyal ng GRP, kundi mga bagay na kailangang talakayin kaugnay ng pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan.

Malinaw namang sinuportahan ni Ka Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng PKP, ang lupon sa negosasyon ng NDFP. Aniya, “ang mga usaping ito ay praktikal na mga isyu, na kung hindi matutugunan, ay gagawing labis na mahirap kahit na isipin lamang kung paanong uusad ang usapang pangkapayapaan.”

Pagtatanong pa ni Valbuena, “gusto lang ba ni Galvez na gawing simpleng usapan ng “pagpapasuko” ang usapang pangkapayapaan?” Dahil kung kapitulasyon lamang ang tanging nais ni Galvez at ng AFP, dapat umano nilang malaman na “hindi ito mangyayari.”

AB: Mga upisyal ng AFP, kontra sa pagpapalaya sa mga konsultant ng NDFP