Misa at piket, inilunsad ng mga kaanak ng nawawalang mga sabungero para sa hustisya
Nagdaos ng misa at piket ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero, taong simbahan at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao noong Oktubre 30 sa harap ng Manila Arena sa Sta. Ana at sa Department of Justice (DOJ) sa Padre Faura sa Maynila. Pinangunahan ng Justice for Missing Sabungeros Network (JMSN) ang mga aktibidad para manawagan ng katotohanan, hustisya at pananagutan
Isinagawa ng network ang misa sa harap ng Manila Arena kung saan huling naugnay ang sinasabing nawawalang mga sabungero. Pag-aari ito ni Charlie “Atong” Ang na siya ring itinuturing nasa likod ng pagkawala ng mga biktima.
Sa pagitan ng Abril 2021 at Enero 2022, sinasbaing higit 30 sabungero ang nawala sa hindi pa malamang mga dahilan. Lahat sila ay may kaugnayan sa mga operasyon ng e-sabong. Noong kalagitnaan ng 2025, isang whistlelower ang nag-ugnay sa kanilang pagkawala kay Ang, Gretchen Barretto at mga upisyal ng pulis.
Ilang taon na ang lumipas, dismayado ang JMSN sa napakabagal na pag-usap ng kaso para makamit ang hustisya at mapanagot ang nasa likod ng pagkawala ng kanilang mga kaanak. Nanawagan ang grupo sa DOJ na tigilan na ang pag-antala, pangalanan ang mga sangkot, at iharap na sa korte si Ang at kanyang mga kasabwat.