Balita

Myembro ng CPA, nakapagpyansa sa kasong "terrorism financing"

,

Nagpyansa si Sarah Abellon Alikes, myembro ng Cordillera People’s Alliance, noong Disyembre 6 para sa kanyang pansamantalang kalayaan sa kasong “terrorism financing” o paglabag sa Terrorist Financing Prevention and Suppression Act of 2012 (TFPSA) na isinampa sa kanya ng rehimeng Marcos. Nag-ugat ang reklamo sa paratang ng mga pulis na pinondohan ni Alikes ang pag-atake ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) laban sa Philex Mining Corporation noong Pebrero 2017 sa Itogon, Benguet.

Ang reklamong isinampa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 14 (PNP CIDG RFU 14) laban kay Alikes ay humantong sa paglalabas ng mandamyento de aresto ng Branch 73 ng Urdaneta Regional Trial Court kamakailan. Bago ang kasong “terrorism financing,” inaresto na si Alikes sa paratang na kasama siya sa mga umatake sa korporasyon. Ipinawalang-sala siya ng korte noon pang Hulyo 2018 sa mga kasong ito.

Liban sa nabanggit na mga kasong, isinama din si Alikes sa mga lider ng CPA at iba pang aktibista na arbitraryong binansagan na terorista ng Anti-Terrorism Council sa bisa ng ATC Resolution No. 41 nito. Kinwestyon na rin nila ito sa isang korte.

Kinundena ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) ang tinawag nitong tahasang pagkakasangkapan sa batas para patahimikin ang kritikal na mga tinig at supilin ang paglaban. “Ang atakeng ito na may pampulitikang motibo ay isang malinaw na tangka para takutin at gipitin ang mga tagapagtanggol ng karapatang-tao na nagsisikap para ilantad ang inhustisya at isulong ang panlipunang pagbabago,” pahayag ng grupo.

Sa kabila ng pansamantalang kalayaan ni Alikes, ipinahayag ng CHRA ang kanilang pagkabahala para sa kanyang kaligtasan at buhay. Nanawagan ito sa korte na kaagad nang ibasura ang ang lahat ng mga kaso laban sa kanya at iba pang mga katulad niya na sinampahan ng mga kaso ng “terrorism financing.”

Hinimok ng grupo ang internasyunal na grupo sa karapatang-tao at institusyon na samahan silang magbantay sa dumaraming mga katulad ng kaso laban sa mga aktibista at tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Pilipnas. Nagpasalamat din si Alikes at ang CHRA sa lahat ng mga nagbigay ng suporta at pondo para sa pyansa.

AB: Myembro ng CPA, nakapagpyansa sa kasong "terrorism financing"