Balita

Myembro ng Gabriela, iligal na inaresto ng PNP Navotas

,

Kinundena ng Defend CAMANAVA ang iligal na pag-aresto ng Philippine National Police (PNP) Navotas kay Jane Alfabete, myembro ng Gabriela Navotas noong Nobyembre 27. Ayon sa mga saksi, iligal na pinasok ang bahay ni Alfabete ng PNP at kinaladkad siya palabas dito. Walang ipinakitang mandyamento ang mga nang-aresto. Sinampahan siya ng kasong assault at trespassing.

Si Alfabete ay isa sa mga maralitang kababaihan na matapang na tumindig laban sa demolisyon sa kanilang kinatitirikan sa 373 Lapu-Lapu St. NBBS Proper, Navotas City. Matapos siyang arestuhin ay saka sinimulan ang pagdemolis ng mga bahay sa lugar, kabilang kanyang tahanan.

Ayon sa mga residente, iligal ang nangyaring demolisyon dahil barangay San Roque ang nakalagay na demolition site sa ipinakitang utos ng korte. Kasalukuyan din dinidinig pa sa korte ang usapin ng pagmamay-ari sa lupa.

Unang napagtagumpayan ng mga residente ang kanilang laban para sa karapatan sa paninirahan noong panahon ng nakatatandang Marcos. Noong 1986, idineklara na ang 373 ay lupa para sa paninirahan ng mga mamamayan at setler. Ngunit noong 1993 ay binili ng pamilyang Ignaco ang lupa mula sa national Housing Authority nang walang konsultasyon sa mga naninirahan dito. May banta rin ng demolisyon sa katabing Road 10 at NBBS na inaangkin din ng pamilyang Ignacio.

Nanawagan ang Defend CAMANAVA para sa agarang pagpapalaya kay Alfabete at itigil ang pag-aatake sa mga maralita. Gayundin ang pagtigil sa iligal na demolisyon sa NBBS proper at pangangamkam sa kanilang lupa.

AB: Myembro ng Gabriela, iligal na inaresto ng PNP Navotas