Nadakip na Pulang mandirigma sa Sipalay City, sadyang pinaslang ng 15th IB
Sadyang pinaslang ng mga sundalo ng 15th IB ang naaresto nitong Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr Command) na si Rodney Lumanog (Ka Wanny) noong Enero 10 sa sa Sityo Cambogui-ot, Barangay Camindangan, Sipalay City, Negros Occidental. Ayon sa yunit ng BHB, buhay na nadakip si Ka Wanny kasunod ng isang armadong labanan sa naturang lugar.
Kinundena ni Ka Andrea Guerrero, tagapagsalita ng yunit ang pagpaslang kay Ka Wanny, na nadakip at walang kagatul-gatol na pinaslang. Aniya, tinortyur si Ka Wanny bago pinatay. Dagdag pa niya, mayroong kapansanan sa paa si Ka Wanny dahil sa isang operasyon noon pang dekada 1990 at pinalitan ng stainless ito.
Walang kahihiyang ipinagmalaki ng 15th IB na ang pagpatay sa Pulang mandirigma ay isang “mabilis at mapagpasyang hakbang” gayong labag ito sa internasyunal na makataong batas, mga alituntunin sa digma at maging sa mga kasunduang pinirmahan ng Gubyerno ng Pilipinas kasama ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) tulad ng Comprehesive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).
Salaysay ni Ka Andrea, natulak si Ka Wanny na bumalik sa hukbong bayan sa kabila ng kanyang kapansanan dahil pinag-initan siya ng mga pwersa ng estado at pinagbantaan ang kayang buhay. Ipinanganak si Ka Wanny sa pamilya ng mga magsasaka noong Nobyembre 20, 1970 sa Barangay Menchaca, Calatrava. Naging kasapi siya ng Kabataang Makabayan at kalaunan ay naging mandirigma ng BHB.
Pinarangalan siya ng mga kapwa Pulang mandirigma ng BHB-Southwest Negros. “Sa matagal niyang paglilingkod sa masa at rebolusyonaryong kilusan, nararapat na paghalawan ng inspirasyon ang kanyang paninindigan,” ayon kay Ka Andrea.