Nakulong na kabataang aktibista ng PUP, nakalaya na
Matapos ang apat na araw, nakalaya na ang tatlong kabataang aktibista mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) na inaresto ng mga pulis noong Setyembre 19 sa Quiapo, Manila. Nagsasagawa ang mga kabataan ng “oplan-pinta” bilang paggunita sa ika-52 anibersaryo ng batas militar at diktadura ng unang rehimeng US-Marcos nang damputin.
Dalawa sa mga aktibista ay kasapi ng Panday Sining habang ang isa ay myembro sa League of Filipino Students. Nakalaya sila ngayong araw, Setyembre 23, dahil sa kakulangan ng ebidensya ng mga kasong isinampa ng Manila Police District Headquarters.
“Ipinakikita lamang nito na hindi magagapi ng pasismo ng estado ang pakikbaka ng kabataang Pilipino para sa pambansang demokrasya,” pahayag ni Mariel Orpiada, pambansang tagapangulo ng Panday Sining. Ipinamalas rin umano ng mga kabataang aktibistang ito ang tunay na esensya ng pagiging iskolar ng bayan.
Pagdidiin pa ng Panday Sining, ang mga panawagang ipininta ng mga aktibista sa mga pader ay nagtampok sa panawagan ng masang Pilipino. Kabilang sa mga ipininta nila ang sigaw ng mga pamilya ng mga desaparesido na ilitaw ang lahat ng mga nawawala.
Ayon kay Orpiada, hindi nila palalampasin ang karahasan at panggigipit na ito ng rehimeng Marcos. “Pananagutin kayo ng mga kabataang artistang Pilipino sa iligal na detensyon sa aming mga kasama,” pahayag niya.