Namartir na kadreng mandirigma ng Cagayan Valley mula PUP, pinarangalan
Pinarangalan ng rebolusyonaryong kilusan ang kabataang Pulang mandirigma na si Danielle Marie Pelagio, kilala sa mga pangalang Ka Nieves, Ka Luna, Ka Isla at Ka Seed, na nabuwal sa isang depensibang labanan noong Setyembre 11 sa Baliuag, Peñablanca, Cagayan. Namartir kasama niya ang dalawa pang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Cagayan Valley at mga upisyal ng Partido Komunista ng Pilipinas sa rehiyon.
Sa pahayag ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Cagayan Valley, ipinahayag nito ang lubos na pagdadalamhati at pakikiramay sa pamilya, mga kaibigan at kakilala ni Ka Seed. “Habampanahong mananatili ang kanyang diwa at alaala,” anang komite.
Ipinanganak si Ka Seed noong Hulyo 4, 1996 sa isang pamilyang petiburges. Bunso sa tatlong magkakapatid, lumaki siya sa maalwan at maginhawang buhay. Mula pagkabata ay nagsusulat na siya ng mga sanaysay at malikhaing pyesa. Isa siyang mahusay na artista, manunulat at makata.
Nakapagtapos siya sa kursong BA Theater Arts sa Polytechnic University of the Philippines (PUP)-Sta. Mesa. Matapos gumradweyt, agad na siyang kumilos nang buong-panahon at nakipamuhay sa mga magsasaka at mangingisda ng Cavite. Noong Marso 2020, mapagpasya siyang tumungo sa Cagayan Valley para sumapi sa BHB.
Isang linggo mula nang pumaloob sa hukbo, agad siyang pinalahok sa pagsasanay sa Batayang Kursong Puliko-Militar (BKPM) kung saan ginawaran siya bilang isa sa mga pinakamahusay sa mga nagsanay. Kasunod nito, kaagad siyang sumabak sa gawaing masa at gawaing militar.
“Dito, agad niyang nasaksihan ang makauring pagsasamantala sa mga mamamayan ng Cagayan at nagagap ang pangangailangan ng isang rebolusyonaryong hukbong tunay na magtataguyod at magtatanggol ng interes ng mamamayan,” anang Komiteng Rehiyon. Mula dito ay magpapasya siyang maging pultaym na mandirigma.
“Ano pa bang hahanapin kong batayan upang tuluyang yakapin ang landas ng armadong pakikibaka? Napakalinaw ng materyal na kalagayan ng mga magsasaka at pambansang minorya—walang sariling lupa at patuloy na dinadahas ng estado,” ayon pa umano kay Ka Seed.
Habang nasa hukbo, nagsilbi siyang upisyal medikal sa yunit ng BHB at masigasig na nagtatayo ng mga barrio medical group (BMG) sa napupuntahang mga komunidad. Tumayo rin siyang upisyal sa organisasyon sa yunit ng Partido na kanyang kinabibilangan.
“Tulad ng maraming kabataang mas piniling buong-panahong ialay ang buhay, lakas, talino at panahon sa pagpapalaya ng uring api, nasa pedestal ng kasaysayan ang diwa at alaala ni Ka Seed. Inspirasyon siya sa laksa-laksang kabataang patuloy na ginugupo ng estado, mga kabataang pinapatay ang pangarap, at mga kabataang nakikibaka para sa panlipunang paglaya,” saad ng komite.