Mensahe ng Parangal ng Rehiyunal na Komite ng Partido sa Cagayan Valley Dakilain ang buhay at pakikibaka ni Kasamang Danielle Marie Pelagio: huwarang kadre ng Partido, artista at matapang na mandirigma ng hukbong bayan!
“Ang magbuhos ng dugo para sa bayan ay kagitingang hindi malilimutan.”
Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KRCV) kay Kasamang Danielle Marie Pelagio, kabataang kadre at upisyal ng Bagong Hukbong Bayan. Mas kilala siya ng mga magsasaka at pambansang minoryang kanyang buong-pusong pinaglingkuran bilang Ka Nieves, Ka Luna, Ka Isla at Ka Seed. Isa lamang si Ka Seed sa libu-libong kabataang piniling tahakin ang masalimuot at mahirap na landas ng armadong pakikibaka upang isulong at ipagtanggol ang mga demokratikong karapatan ng uring api at pinagsasamantalahan, at upang kamtin ang tunay na kalayaan at demokrasya.
Kasama ang buong kasapian ng rebolusyonaryong kilusan sa Lambak Cagayan, lalo na ang masang anakpawis ng Silangang Cagayan na kanyang pinag-alayan ng buhay, nagdadalamhati at lubos na nakikiramay ang KRCV, sa pamilya, mga kaibigan at kakilala ni Ka Seed. Habampanahong mananatili ang kanyang diwa at alaala. Namartir si Ka Seed sa isang depensibang labanan sa Baliuag, Peñablanca, Cagayan noong ika-11 ng Setyembre 2024.
Pagtalikod sa uri at sa pagkamakasarili
Ipinanganak si Ka Seed noong Hulyo 4, 1996 at nagmula sa uring panggitnang petiburgesya. Bunso sa tatlong magkakapid, lumaki siya sa maalwan at maginhawang buhay. Likas siyang matalino, mapanuklas at sensitibo sa mga nangyayari sa paligid. Bata pa man, nakita na niya ang hindi pagkakapantay-pantay ng mga tao sa lipunan. Dahil debotong kasapi ng Iglesia ni Cristo ang kanyang pamilya, una niya itong nasaksihan sa loob ng simbahan—kung saan matingkad ang pagkakaiba sa pagkilala at pagtrato sa mga mayaman at mahirap.
Mas lumalim ang kanyang kamalayan nang mamulat siya sa mga pundamental na problema ng lipunang Pilipino. Sa pamamagitan ng mga pambansa-demokratikong pag-aaral at paglubog sa mga pakikibakang masa, humigpit ang kapit ni Ka Seed sa adhikain ng pambansa-demokratikong rebolusyon at nagpasyang ilaan ang kabataan, talino at panahon para sa panlipunang paglaya.
Mahusay na artista, manunulat at makata si Ka Seed. Mula pagkabata ay nagsusulat na siya ng mga sanaysay at malikhaing pyesa. Pagkagradweyt sa kursong BA Theater Arts sa PUP-Sta. Mesa, agad na siyang kumilos nang buong-panahon at nakipamuhay sa mga magsasaka at mangingisda ng Cavite. Sa pamamagitan ng sining, minulat, inorganisa at pinakilos nila Ka Seed ang mga mamamayang biktima ng mga pang-aagaw ng lupa, reklamasyon, at pasismo ng estado. Naglulunsad sila ng mga palihan sa hanay ng mga bata at kabataan, at ginagamit ang sining upang itambol ang interes ng uring api at pinagsasamantalahan.
Pagtahak sa landas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka
Ilang oras bago ipinatupad ang Luzonwide lockdown noong Marso 2020, walang-pagdadalawang-isip na nagpasya si Ka Seed na magtungo na sa sonang gerilya. Sinugsog niya lahat ng terminal na byaheng Cagayan at kinuha ang kahit anong tiket na magdadala sa kanya sa kanyang destinasyon.
Wala pang isang lingo sa loob ng hukbo, agad siyang sumabak sa pagsasanay sa Batayang Kursong Puliko-Militar (BKPM) kung saan ginawaran siya bilang isa sa mga Best Trainee. Pagkatapos ay agad na inilarga sa gawaing masa at gawaing militar. Dito, agad niyang nasaksihan ang makauring pagsasamantala sa mga mamamayan ng Cagayan at nagagap ang pangangailangan ng isang rebolusyonaryong hukbong tunay na magtataguyod at magtatanggol ng interes ng mamamayan. Kaya kasabay ng kanyang ika-24 na kaarawan, nagpahayag siyang magpultaym sa hukbong bayan. Ika niya, “Ano pa bang hahanapin kong batayan o turning point upang tuluyang yakapin ang landas ng armadong pakikibaka? Napakalinaw ng materyal na kalagayan ng mga magsasaka at pambansang minorya—walang sariling lupa at patuloy na dinadahas ng estado.”
Komprehensibo at maaasahang kadre si Ka Seed. Malaki ang papel na kanyang ginampanan sa pagpapalawak at pagkokonsolida sa kasapian at organisasyon ng masa at Partido. Bilang Upisyal Medikal ng yunit na kanyang kinabibilangan, masigasig siyang nagtatayo ng mga barrio medical group (BMG), tinitiyak na nabubuo ang mga komite sa kalusugan mula sa mga grupong pang-organisa hanggang sa ganap na samahang masa. Masigla rin siya sa gawaing alyansa sa mga organisasyon at indibidwal sa loob at labas ng larangang gerilya upang mapalawak ang suporta sa armadong pakikibaka. Sa mga komunidad, lagi siyang hinahanap ng mga masa para sa medikal serbis at inaarmasan din sila ng kaalaman at kasanayang medikal.
Sa mga opensiba man o depensibang labanan, matapang na kombat medik si Ka Seed. Bagamat baguhan at salat sa karanasan, dahil sa sipag niya sa pag-aaral at mismong pagsasapraktika sa mga pinag-aralan, maraming masa at kasama ang kanyang nagamot at nadugtungan ng buhay.
Tumayo rin siyang OD opiser sa grupo ng Partidong kanyang kinabibilangan, at pana-panahon sa komiteng tagapagpaganap ng seksyon sa saklaw na teritoryo. Lagi niyang tinitiyak na mahusay na gumagana ang daloy ng demokratikong sentralismo, hindi lamang sangay ng Partido sa loob ng platun kundi maging sa hanay nga mga kadre at kasapi ng Partido sa lokalidad. Lagi niyang tinitiyak na nagdaraos ng regular na pulong, at mapangahas na nagpapalawak at nagkokonsolida ng kasapian na hindi nagpapapasok ng masasamang elemento sa hanay.
Bilang kasama, laging masasandalan at handang makinig sa mga kwento at hinaing ng masa’t mga kasama si Ka Seed. Siya ang madalas na nilalapitan ng mga bagong pultaym na pinagbabahagian ng mga karanasan, tanong, at maging mga kontradiksyon. Matalas din siya sa mga pinagdaraanan ng mga kasama. Sa pagharap niya sa lahat ng ito, mahigit ang tangan niya sa linyang masa at laging ipinapanguna ang pulitika.
Likas din siyang mapagbigay at mulat sa pangangailangan ng iba. Hindi siya madamot o makasarili, bagkus ay laging ipinapanguna ang interes ng kabuuan. Sadya ring malapit sa puso niya ang mga magsasaka at pambansang minorya. Mulat niyang inilulubog ang sarili sa mga gawaing manwal, at ang gawaing produksyon ang pinakagusto niyang ginagawa. Kailanman ay hindi naging hadlang ang lenggwahe at kanyang mga nakasanayan sa kanyang mahusay na pamumuno sa masa. Sa katunayan, tinatawag nga siyang “Tagalog na Agay” dahil kaya niyang makipag-usap sa mga katutubong Agta sa kanilang sariling lenggwahe. Bunga ito ng kanyang malalim na pag-ugat at paglubog sa masa, at upang mas epektibo silang mamulat, maorganisa at mapakilos para ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno. Mulat siyang nagpapanibagong-hubog at pinapanday ang sarili bilang isang proletaryado.
Bilang artista ng bayan at upisyal pangkultura, siya ang laging nangunguna sa pag-oorganisa ng mga kultural na pagtatahal at pagpapalaganap ng rebolusyonaryong kultura. Siya ang nangangasiwa sa kabuuang daloy at tema ng programa. Mapanlikha siyang nagbabalangkas ng mga konsepto at pamamaraang angkop sa kalagayan at rekurso. Lagi ding nananabik ang mga masa’t kasama sa kanyang pagbigkas ng tula, sa mga briefing man o sa mga pagtatanghal. Hindi lamang iilang masa ang kanyang pinaluha sa tuwing bibigkasin niya ang tulang `Pulang Lupa.’ Ilang kasama na rin ang kumabisa at bumigkas nito, ngunit hindi pa rin mapapantayan ang husay at emosyong namamayani kapag si Ka Seed ang tumula. Madalas na sambit ng masa habang nagpipigil ng luha sa kasagsagan ng pagtula, “Naaalala ko ang lupa naming inagaw ng mga gaid at makapangyarihan. Tagos ang mensahe ng tula sa aktwal naming danas.”
Huwaran sa katapangan at di-pagkamakasarili si Ka Seed. May pagkakataon siyang yakapin ang maalwan na buhay na kanyang kinagisnan, pero mas pinili niyang suungin ang landas ng armadong pakikibaka at paglingkuran ang mga mamamayan ng Cagayan. Sa loob ng mahigit apat na taon, kinaharap niya ang matitinding dagok at pagsubok sa kanyang personal at pulitikal na buhay. Wala pa siyang isang taon sa hukbo nang mamatay ang kanyang ama. Sa kabila nito, hindi siya kinakitaan ng panghihina at panglulumo, o pagnanais na bumaba. Nalagpasan din diya ang pagdadalamhati at pangungulila nang namartir ang kanyang karelasyon na kabilang sa Dungeg 7. Parehong tatag at tapang ang kanyang ipinamalas sa harap ng pagkamatay ng iba pang mga kasama, mga kumander at mandirigma, na kanyang naging pamilya. Sa ganitong sabi, lalong hindi siya pinatumba ng walang-puknat na mga FMO ng kaaway na nagpataw ng mahigpit na blokeyo sa pagkain, mga kontra-rebolusyonaryong proganda at disimpormasyon at iba pang desperadong hakbangin ng militar upang panghinaan ng loob ang mga rebolusyonaryo. Bagkus, mas lalo nitong pinag-alab ang kanyang nag-aapoy na damdamin at pinahigpit ang tangan sa mga prinsipyo at adhikain ng Partido at pambansa-demokratikong rebolusyon. Sa mga panahon ng kagipitan, lagi niyang binabalikan ang tanong na “Para kanino?” Sabi nga niya, “Hindi lang ang mga masasayang danas ko sa hukbo ang nagtulak sa akin para sumampa. Kaya sa kabila ng mga pagsubok, hindi ako bumibitaw dahil hinayaan ako ng kilusan at organisasyon na kusang mamulat at makisangkot sa mga nangyayari sa lipunan. Hindi ipinagpilitan ang mga teorya o prinsipyo, bagkus, kusa ko itong natutunan at naunawaan.”
Tulad ng maraming kabataang mas piniling buong-panahong ialay ang buhay, lakas, talino at panahon sa pagpapalaya ng uring api, nasa pedestal ng kasaysayan ang diwa at alaala ni Ka Seed. Inspirasyon siya sa laksa-laksang kabataang patuloy na ginugupo ng estado, mga kabataang pinapatay ang pangarap, at mga kabataang nakikibaka para sa panlipunang paglaya. Buo at makabuluhan ang naging buhay ni Ka Seed dahil inialay niya ito sa sambayanang kanyang minahal nang lubos at tunay.”
Nagkakamali ang kaaway sa pag-aakalang panghihinaan ng loob ang mga kasama at kabataan sa pagpanaw ni Ka Seed. Lingid sa kanilang kaalaman, marami nang napanday na Ka Seed—mula sa mga pambansang minorya ng Sierra Madre, sa mga mangingisda ng Valley Cove at Pasipiko, hanggang sa mga magsasaka sa kapatagan ng northeast Cagayan—na ngayo’y nagngangalit at handang damputin ang armas na nabitawan ni Ka Seed upang ituloy ang pakikibakang kanyang pinag-alayan ng buhay. Tunay ngang binhi ng rebolusyon si Ka Seed na naipunla at yayabong. Nakitil man ang kanyang buhay, bigo ang kaaway na gapiin siya at ang kanyang paninindigan. Hanggang sa huling hininga, pinangatawanan ni Ka Seed ang isa sa kanyang mga paboritong sipi mula kay Tagapangulong Mao: “Ang hukbong walang kultura ay hukbong mapurol at kailanman ay hindi makagagapi ng kaaway.”
Mabuhay ang diwa at alaala ni Ka Seed!
Mabuhay ang alaala ng mga martir ng Peñablanca!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!