Balita

Ordinansang nagpaparusa sa Red-tagging sa Naga City, ikinalugod ng mga demokratikong organisasyon

Ikinalugod ng mga demokratikong organisasyon sa Naga City at Camarines Sur ang ipinasang ordinansa ng Sangguniang Panlungsod ng Naga noong Nobymebre 13 hinggil sa paglalarawan at pagpaparusa sa Red-tagging sa syudad. Itinuturing ito ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Camarines Sur bilang “bunga ng sama-samang pagkilos ng mga Bikolano.”

Ang ordinansang “Defining and Penalizing Red-tagging in Naga City” ay ipinanukala nina City Councilor Jessie Albeus at Youth Councilor Kerwin Ardinazo. Ipinaliwanag sa ordinansa ang saklaw ng Red-tagging at ang pagbabawal na isagawa ito ng mga nasa pampublikong pusisyon at gamit ang pondo ng publiko. Ang naturang ordinansa ang kauna-unahan sa bansa.

Ang mga lalabag sa naturang ordinansa ay papatawan ng ₱5,000 multa o pagkakakulong ng 1-30 araw sa unang paglabag o pareho; ₱5,000 o pagkakulong ng 2-3 buwan o pareho sa ikalawnag paglabag; at ₱5,000 o pagkakulong ng 4-6 buwan o pareho sa ikatlong paglabag. Itinalaga rin nito ang upisina ng Naga City Human Rights Action Center para tumulong sa paghahanda at pagsasampa ng reklamo.

Ayon sa Bayan-Camarines Sur, natulak ito dahil sa walang humpay na kampanya at paglalantad sa kabulukan ng gubyerno tungkol sa pagpapairal ng Anti-Terror Law at paglabag sa karapatang-tao ng mga indibidwal at mga progresibong grupo sa prubinsya. Dagdag pa ng grupo, dininig ng konseho ang kanilang mga hinaing at mga hinain na mga kaso ng Red-tagging sa prubinsya.

“Lantaran sa Camarines Sur ang ginagawang mga pananakot, Red-tagging at pagkampo sa mga kumunidad,” ayon sa grupo. Noong 2021, nagkampo ang 9th ID sa komunidad ng mga magsasaka at maralitang lungsod sa mga barangay ng Concepcion Pequena, Balatas at Mabolo, maging sa ilang mga barangay sa Naga City upang magsagawa ng profiling at nagbahay-bahay para takutin at gipitin ang mga residente.

Madalas ang mga “kampanya sa impormasyon” ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa mga komunidad at eskwelahan para i-Red-tag ang mga progresibong organisasyon. Dagdag ng Bayan-Camarines Sur, naitala rin ang pekeng mga livelihood program na ginagawang iskema para sa kanilang programang pagpapasuko di umano sa “300 friends rescued”.

“Ang naipasang Ordinansa ay patunay lamang na sa anumang atake ng estado ay magpapatuloy ang laban ng mamamayan para sa ating mga karapatan,” pahayag nito. Kahit mayroong ordinansa, ayon sa grupo, handa at patuloy na titindig at magbabantay ang Bayan-Camarines Sur at mga organisasyon sa ilalim nito para sa karapatang-tao.

Sa huli, hinikayat ng Bayan-Camarines Sur ang iba pang mga mambabatas at lokal na mga namumuno sa buong Bicol na gumawa at magpasa rin ng ordinansang tumitindig at nagpaparusa sa Red-tagging at iba pang paglabag sa karapatang-tao.

AB: Ordinansang nagpaparusa sa Red-tagging sa Naga City, ikinalugod ng mga demokratikong organisasyon