Nakatakdang porum ng NTF-Elcac sa UST, tinutulan ng mga estudyante
Binatikos at tinutulan ng mga estudyante ng University of Sto. Tomas (UST) ang nakatakdang porum na lalahukan ng kontra-kabataang National Task Force-Elcac sa loob ng kampus sa darating na Nobyembre 6. Anila, ang porum na pinamagatang “Preventing Terror Grooming: The Philippine Experience” ay isang insulto sa dangal ng pamantasan at sa mga Tomasinong ipinaglalaban ang katotohanan.
Ang porum na pangungunahan ng UST Political Science Department ay nakatakdang magtalakay sa mga paksa tulad ng “terorr grooming,” “mga praktika ng rekrument,” “karanasan ng mga dating rebelde,” at “pagsusuri sa mga patakarang kontrainsurhensya ng estado.” Katuwang sa paglulunsad ng porum ang National Security Council, ang UST Faculty of Arts and Letters, at ang UST Research Center for Social Sciences and Education.
Pinangunahan ng Anakbayan, Kabataan Party-list (KPL), at Panday Sining sa UST ang pagbatikos sa porum. Ayon kay Dex Frogoso, tagapagsalita ng Anakbayan UST, “ang pagtatanghal ng NTF-Elcac sa loob ng unibersidad, gaano man kaliit o kalaki, ay pagyurak sa diwa ng Veritas in Caritate—ang paghahanap ng katotohanan sa ngalan ng pag-ibig at paglilingkod sa kapwa.”
Dagdag ni Frogoso, batid ng mga estudyante ng UST na hindi layunin ng NTF-Elcac ang “peace building” na ibinabandera nito sa mga porum na karaniwang inilulunsad sa mga unibersidad. “Ang kanilang misyon ay ‘fear building’—pagtatag ng kultura ng takot, pagsupil sa kabataan, at pagpapatahimik sa mga tinig ng katotohanan,” aniya.
Sa kasaysayan ng NTF-Elcac at panghihimasok nito sa mga unibersidad, walang batayang iniuugnay nito ang mga progresibong ligal na organisasyon ng mga kabataan at mga grupong aktibista sa rebolusyonaryong kilusan ng Pilipinas. Arbitraryo nitong binabansagan ang mga ligal na organisasyon bilang “prente ng Partido Komunista ng Pilipinas, ng Bagong Hukbong Bayan, at ng National Democratic Front of the Philippines.” Bahagi ang mga ito ng pagpapatupad ng NTF-Elcac sa National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD) ng rehimeng Marcos.
Liban dito, kinundena ng KPL-UST ang marami pang mga paglabag sa karapatang-tao na isinasagawa ng NTF-Elcac. Kabilang sa inilista ng grupo ang pagsasampa ng mga kasong kriminal para gipitin ang mga lider-kabataan, panggigipit at panliligalig sa mga aktibista, pagdukot at sikretong detensyon, at iba pa.
Ang NTF-Elcac rin ang tumatarget sa KPL para tanggalan ng rehistro bilang partido sa ilalim ng sistemang party-list. “Ang pagpapahintulot sa NTF-Elcac sa loob ng UST ay pagpapahintulot na makaugat ang takot sa mga bulwagan ng pagkatuto,” ayon sa KPL-UST.
“Sa halip na tugunan ang ugat ng kahirapan, kawalan ng trabaho, at kawalang-katarungan, nilulutsay ang bilyon-bilyong pondo ng mamamayan sa mga ghost projects, pekeng programa, at propaganda laban sa mga progresibong kabataan,” dagdag pa ni Frogoso.
Pagdidiin ni Frogoso, “ang tunay na panganib ay hindi nagmumula sa mga organisasyong nag-aambag ng kamulatan, kundi sa mga institusyong ginagawang kasalanan ang pagiging mapanuri at makabayan.” Nanawagan ang Anakbayan UST sa mga kapwa nito estudyante na manindigan para sa kalayaan sa pag-iisip at karapatan sa pagkilos.
Dahil sa reaksyon ng mga estudyante, umatras bilang katuwang ng porum ang UST Research Center for Social Sciences and Education. Gayunman, nanindigan ang UST Political Science Department na itutuloy ang aktibidad sa tabing ng pagtataguyod sa “plurality of voices and opinions.”