Balita

Organisador ng maralitang lungsod sa Rizal, inaresto

,

Kinundena ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang lungsod, ang pag-aresto ng mga pulis kay Melanie Sumayang, organisador ng Kadamay-Rizal, noong Disyembre 23 sa Barangay Mayamot, Antipolo, Rizal. Sinampahan siya ng dalawang bilang ng gawa-gawang kasong frustrated homicide.

Ayon sa ulat ng kanyang kaanak, nagpanggap bilang empleyado ng Meralco ang pulis bago inaresto si Sumayang. Kasalukuyan siyang nakapiit sa Antipolo City Jail at nangangailangan ng pyansang ₱64,000 para pansamantalang makalaya.

Tumayong lider ng maralita si Sumayang at pinangunahan ang laban kontra demolisyon noong 2010 sa Peña Francia sa Barangay Mayamot.

Sa pahayag ng Kadamay-Southern Tagalog, higit umanong tumitindi ang malawakang militarisasyon sa mga komunidad at pananakot sa mga maralitang lungsod sa Rizal. Layon umano ng militar at pulis na sagkaan ang paglaban ng maralita para sa karapatan sa libreng tahanan at abot-kayang mga serbisyong panlipunan.

Ayon naman sa pambansang upisina ng Kadamay, “Matagal nang napatunayan ang bulok na estilo ng estado sa pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga organisador at mga aktibistang gaya ni [Sumayang] na kalaunan ay binabasura ng korte dahil sa kawalan ng ebidensya.”

AB: Organisador ng maralitang lungsod sa Rizal, inaresto